Kung nais ng Mighty Corporation na maibasura ang P9.5 bilyong kasong tax evasion laban dito, ay kailangang pumayag ng kumpanya na bayaran nang buo ang P3 bilyong compromise tax deal na alok ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“P3 billion lang ang hinihinging compromise tax payment ni Duterte. But fully paid in one payment lang,” sabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II kahapon.

Ipinunto ng Kalihim na nais ng Pangulo na bayaran ng Mighty nang buo ang P3 bilyon dahil maaaring aabutin ng maraming taon sa korte ang P9.5 bilyong tax evasion complaint na inihain ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DoJ).

“Kaya nga compromise. If no compromise, baka ‘di na magamit ni Duterte kasi matagal ang kaso,” paliwanag niya.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Inimpormahan na ni Aguirre ang binuong panel ng mga prosecutor na magsasagawa ng preliminary investigation sa P9.5 bilyon kasong tax evasion na isinampa ng BIR.

Samantala, inihayag ni BIR Commissioner Cesar Dulay na pinag-aaralan na nilang kanselahin ang lisensiya ng Mighty Corp. sa paggawa ng sigarilyo.

Inihahanda na rin ng BIR ang panibago at mas malaking tax case laban sa Mighty Corp. na maaaring aabot sa P27 bilyon, kasunod ng pagkakasamsam sa 160,000 kahon ng mga sigarilyo sa bodega sa Bulacan at 18,000 kahon sa operasyon sa General Santos City.

Noong Marso 22, naghain ang BIR laban sa Mighty Corp. ng reklamong unlawful possession of articles subject to excise tax without payment at possessing false, counterfeit, restored or altered stamps na paglabag sa Section 263 at 265(c) ng National Revenue Code of 1997.

Pinangalanang respondent ang mga executive ng Mighty Corporation – sina retired Lt. Gen. Edilberto Adan, president; retired judge Oscar Barrientos, executive vice-president; Alexander Wongchuking, vice-president for external affairs at assistant corporate secretary; at Ernesto Victa, treasurer.

Nag-ugat ang kaso sa paggamit ng tobacco manufacturer ng mga pekeng excise tax stamps na nabuko sa on-the-spot surveillance operations ng BIR regional investigation division sa apat na bodega sa San Simon Industrial Park, San Isidro, Pampanga.

Sinabi ng BIR na nakita sa imbentaryo na sa 33,140,500 pakete ng sigarilyo, 87.5 porsiyento ang may pekeng selyo.

(Jeffrey G. Damicog at Beth Camia)