Sa kanilang pagdating sa bansa kahapon ng madaling araw, tumanggap ng P10,000 bawat isa ang 140 overseas Filipino workers (OFW) na umuwi sa ilalim ng amnesty program ng Kingdom of Saudi Arabia.

Lumapag ang eroplanong sinasakyan ng nasabing grupo – 65 babae, 55 lalaki, at 20 bata – sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 ilang oras bago dumating si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa mensahe sa kanyang pagdating, sinabi ni Duterte na ang tulong na pera ay maliit na bagay lamang upang ipakita ang pagpapahalaga sa mga OFW na ilang taong nagsakripisyo sa pagtatrabaho sa Middle East.

Ang P5,000 ay mula sa Department of Labor and Employment (DoLE) upang makauwi ang mga OFW sa kani-kanilang bayan.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Dinagdagan ito ng Pangulo ng P5,000 bilang “baon” nila.

Ipinaliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ang karagdagang P5,000 mula sa Pangulo ay kukunin sa pondo ng gobyerno.

“I am thankful that you got home safely. You may now be with your family and loved ones. We know your hard work and sacrifice,” sabi ng Pangulo sa kanila.

Pinasalamatan din niya ang tulong ng mga OFW sa malakas na ekonomiya ng bansa.

“They helped us very much. Nagpapadala sila ng steady income na mga remittances nila, so kailangan magbayad tayo at malaki ang binibigay ng overseas workers. Salamat sa tulong na inyong naibigay sa bayan,” sabi ng Pangulo.

Kadarating lamang ni Duterte mula sa isang linggong state visit sa tatlong bansa sa Middle East – ang Kingdom of Saudi Arabia, Kingdom of Bahrain, at State of Qatar.

REPATRIATION

Tiniyak ni Duterte na magiging prioridad ang kapakanan ng mga OFW at nangakong ipagpapatuloy ang repatriation mula sa Middle East.

“Lahat ng gustong umuwi na Pilipino doon, makakauwi. Gastusan natin ‘yan,” aniya.

“I will give you the primary importance. I will look for money. ‘Pag hindi, hoholdapin ko ‘yung Central Bank, tulungan lang ninyo ako,” biro niya.

OSPITAL

Sinabi rin ni Duterte na hihilingin niya ang permiso ng tatlong bansa para magtayo ng maliliit na ospital doon matapos humiling ng pagamutan ang mga OFW sa Saudi Arabia.

“We will look for the money and I will ask their permission to establish even just a small, a general hospital to cater to all the health needs of our countrymen,” aniya. “[Kung] papayag ‘yung mga gobyerno nila, magtatayo tayo ng ospital doon.”

KABUHAYAN

Pinayuhan din ni Duterte ang mga OFW na magtungo sa mga regional office ng Department of Trade and Industry (DTI) para tumanggap ng livelihood assistance.

“Meron akong programa. It is not much but it’s billions. Ang inuuna ko ‘yung small scale, medium and small industries. Bigyan kayo ng capital, nandito si (DTI) Secretary Mon Lopez. Mag-aral o turuan kayo mag-aral ng business ninyo. Tailoring, mapa-bakery,” aniya.

NINONG RODY

Nag-alok din ang Pangulo na maging ninong ng mga anak ng mga OFW na hindi pa nabibinyagan, at ang masugid niyang tagasuporta na si Mocha Uson bilang ninang.

“May dalang anak? Ilang taon na ‘yan ma’am? Nabinyagan na? Wala pa? Find a day na mapunta ka dito, punta ka sa DSWD (Department of Social Welfare and Development), maghanap ako ng pari,” aniya.

“Doon natin binyagan ‘yan at ako ang ninong, ang ninang si Mocha,” sabi pa niya.

SALAMAT

Nagpasalamat din si Duterte sa mainit pagtanggap ng mga OFW sa Middle East. Inilarawan niya ang salubong na tinanggp niya sa mga OFW sa Saudi Arabia na “warmest of warm welcomes”.

“I am really gratified by the huge crowd. Really, I feel like kneeling down and thank you for helping the country,” aniya.

Ginunita rin niya ang tinanggap na 76 na porsiyento ng kabuuang boto mula sa mga OFW sa Qatar sa nakaraang halalan.

“Sa Qatar I got 76 percent of the total votes. All-in-all ang average ko was 77 percent sa lahat ng state diyan sa Middle East. Salamat, ha,” aniya.

“’Yung hindi nagboto sa akin, hindi natin pauwiin ‘yun,” biro niya.

(ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, BETH CAMIA, at BELLA GAMOTEA)