DANIEL AT KATHRYN copy

PARA kaming dumalo sa isang political event sa rami ng marshalls na nakabantay at nakapalibot sa buong venue nang ganapin ang block screening ng Can’t Help Falling In Love na handog ng KathNiel KaDreamers World sa SM Light, Cinema 1 nitong nakaraang Sabado.

Nakakapanibago dahil hindi naman ganito karami ang marshalls na nagbabantay kina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo sa mga nakaraang pa-block screening ng kanilang supporters.

Advance party ang marshalls kaya habang ‘di pa sila busy, tinanong namin ang nakatayo sa harapan namin kung ilan sila.

Human-Interest

Dating ALS learner, isa nang ganap na police officer

“Nasa 23 po kaming lahat, ma’am. Kailangan po kasi marami kaming pinuntahan,” sabi ng lady marshall, at idinugtong na panglimang block screening na ang SM Light; nauna na ang Trinoma Mall, Fishermall, Robinson’s Galleria at SM Megamall.

May tatlong mall pa raw na pupuntahan ang KathNiel kaya tig-sasampung minuto lang ang itinatagal nila sa bawat mall para mapasalamatan ang lahat ng sumusuporta sa kanila.

Kailangan ngang talaga na maraming kasamang marshalls sina Daniel at Kathryn dahil dinig na dinig pa rin namin kahit nasa loob na kami ng sinehan ang mga hiyawan at padyakan ng maraming tao sa labas nu’ng dumaan ang dalawa.

And take note, Bossing DMB, hindi pa masyadong tinatao ang SM Light Mall pero grabe ang hiyawan at padyakan na narinig namin. E, di lalo na siguro sa mas malalaking mall na pinuntahan ng KathNiel.

Nakakabilib ang suporta ng loyalistang supporters nina DJ at Kath, hindi lang isang block screening ang alay nila Sabado kundi tigtatlo pa, at iba pa ‘yung kinabukasan (Linggo) na same group. Paano pa ang ibang grupo?

At araw-araw daw ay may pa-block-screening ang iba’t ibang grupo ng KathNiel supporters at magkakaroon din sa ibang bansa.

KathNiel Ka Dreamers World na yata ang may pinakamaraming miyembro ng supporters dahil bukod sa iba’t ibang probinsiya sa Pilipinas ay umabot na rin sila sa iba’t ibang bansa.

Samantala, umabot sa P33M ang kinita sa opening day ng Can’t Help Falling In Love. Kaya ayon sa post ng publicity manager ng Star Cinema na si Mico del Rosario, “Maraming-maraming salamat po!! P33million opening day gross for#canthelpfallinginlove #CHFILNowShowing ! To God All The Glory!”

At saksi kami na walang pumapasok sa sinehan ng SM Light na nagpapalabas ng nakatapat nitong The Fate and the Furious.

Congratulations sa KathNiel at sa lahat ng supporters na nagpa-block screening, saludo kami sa inyo.

Anyway, kilig at aliw overload ang Can’t Help Falling In Love kaya ilang beses itong pinapanood, lalo na ng inaanak naming si Ysa Nicasio na anak nina Katotong Nonie at Maricris.

Kapansin-pansin sa pelikula na lalo pang gumaganda si Kathryn at magaganda rin ang mga damit niya. Kudos sa stylist niya.

Ito rin ang pelikulang guwapung-guwapo kami kay Daniel, na bagay pala sa mahabang buhok sa likod na mala-F4 ng Meteor Garden.

Gumagaling pang lalo ang pag-arte ni Daniel at mahusay pa ring mag-deliver ng punchlines samantalang seryoso parati ang role ni Kathryn sa pelikulang ito.

Controlling boyfriend ang papel ni Matteo at medyo disturbed kami sa itsura niya, dahil sa unang bahagi ng pelikula ay manipis ang buhok na hindi bagay, nagmukha siyang matanda at parang hindi magandang i-close-up.

May asawa na ba si Janus del Prado? Bakit mukha na siyang tatay sa laki ng tiyan? O sadya lang kinailangan sa role niya?

Ang ganda-ganda ni Joross Gamboa bilang si Nilo na karelasyon cum bodyguard ng mayor na si Zanjoe Marudo na sa bandang huli ay namatay sa aksidente at dito na rin nagbihis-babae ang una.

Magagaling ang support ng KathNiel na sina Dennis Padilla, Lotlot de Leon, Kristel Fulgar at Cherie Pie Picache na napansin naming ang ganda-ganda ng kilay.

Certified box-office director na si Mae Cruz-Alviar na halos lahat ng pelikulang ginawa ay kumita.

Kudos to Star Cinema. (REGGEE BONOAN)