Sisimulan na ng Sandiganbayan ang paglilitis sa kasong plunder ni dating senador Jinggoy Estrada sa Hunyo 19 at magpapatuloy bawat Lunes pagkatapos nito.

Kahapon, pormal na tinapos ng 5th Division ng anti-graft court ang pre-trial sa kaso nang magkasundo ang prosekusyon at ang depensa na pawang nagmula sa mga orihinal na kopya ang kanilang mga documentary evidence.

Inatasan ni division chairman Associate Justice Rafael Lagos ang magkabilang panig na maaari lamang nilang iharap ang kani-kanilang documentary evidence at testigo sa pagpapatuloy ng paglilitis.

Inaakusahan si Jinggoy ng pagtanggap ng P183 milyong kickback mula sa kanyang pork barrel fund na idinaan sa mga pekeng non-government organization (NGO) ni Janet Lim-Napoles.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Pinagbigyan naman ng hukuman ang kahilingan ni Jinggoy na makadalo sa kaarawan ng amang si Manila City Mayor Joseph “Erap” Ejercito-Estrada sa Abril 19.

Idiniin ng hukuman na ang desisyon ay bilang respeto sa tradisyon ng mga Pilipino na nagpapahalaga sa mga magulang at matatanda.

Binigyan ng anim na oras si Jinggoy na makalabas sa kulungan at maipagdiwang ang ika-80 kaarawan ng ama sa Manila Hotel, mula 5:00 ng hapon hanggang 11 ng gabi.

Nakapiit ngayon si Jinggoy sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City. (Rommel P. Tabbad)