Napatay ng mga pulis ang isang hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group na isinasangkot sa pagpatay barangay kagawad sa Quezon City, nitong nakaraang linggo.
Ibinulagta ng mga operatiba ng Quezon City Police District’s Special Operations Unit and Fairview Police Station si Vivencio Serabia nang tangkain umano nitong manlaban sa kanila, bandang 6:20 ng gabi.
Base sa ulat, nakatakdang magsilbi ng warrant of arrest laban sa kapatid ni Vivencio na si Marlon para sa kasong physical injury. Tinunton ng mga pulis ang kanilang bahay sa isang compound sa Ilang-ilang Street, Pinkian 3, Zone 2 sa Barangay Pasong Tamo.
Sa kanilang pagdating, agad na umano pinaputukan ng magkapatid ang mga pulis, dahilan upang bumaril pabalik ang awtoridad. Ayon sa pulis, tinakpan umano ni Vivencio si Marlon na tumatakbo patakas.
Matapos ang pamamaril, nakumpiska ng mga operatiba ang isang caliber. 22 airgun at isang caliber 9-mm pistol na kargado ng pitong bala.
Miyembro umano ng gun-for-hire group ang magkapatid na binabayaran upang patayin si Jerson Dazo, barangay kagawad sa Bgy. Greater Fairview, nitong Sabado ng umaga. (Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon)