Si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa 2017 TIME online poll para sa 100 Most Influential People of the Year.

Nagsimula sa paglalabas ng shortlist ng mga kandidato nitong Marso 24, tinanong ang mga mambabasa ng TIME magazine kung sinu-sino ang dapat na mapabilang sa TIME 100 — ang taunang listahan ng pinakamaiimpluwensiyang tao sa mundo.

Mula nang simulan ang online poll, napanatili ni Duterte ang pangunguna sa listahan at kalaunan ay tumanggap ng limang porsiyento ng kabuuan ng mga botong “yes” sa poll, na nagsara nitong Linggo ng gabi.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang national agenda ng Presidente ang hinahangaan ng mga Pilipino at maging ng international leaders.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“He has prioritized public interest first and foremost, especially the needs and aspirations of the poor and common people,” saad sa pahayag ni Abella kahapon.

Kasunod ni Pangulong Duterte sa listahan sina Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Pope Francis, ang Microsoft co-founder na si Bill Gates, at ang Facebook co-founder na si Mark Zuckerberg. Pawang nagtamo ng tatlong porsiyento ng kabuuan ng mga botong “yes” ang mga nabanggit.

Dalawang porsiyento naman ng mga botong “yes” ang nakuha ni Russian Prime Minister Vladimir Putin, ng mga singer na sina Rihanna at John Legend, ni US President Donald Trump, at ng mga aktres na sina Emma Stone at Viola Davis.

Gayunman, ang opisyal na listahan ng TIME 100, na pinipili ng mga editor ng TIME, ay ihahayag sa Huwebes, Abril 20.

Ang Amerikanong pulitiko na si Bernie Sanders ang nanalo sa reader poll noong 2016, habang si Putin naman noong 2015.

Mayo 23, 2016 nang itinampok si Pangulong Duterte sa cover ng TIME Magazine na may titulong “The Punisher”.

Sa unang bahagi ng buwang ito, nagbiro ang Presidente na ang sekreto sa pangunguna niya sa online poll ng TIME 100 ay ang pagmumura niya sa mga tanyag na personalidad, gaya nina dating US President Barack Obama at Pope Francis.

Sa artikulong inilathala sa website nito kahapon, sinabi ng TIME na ang popularidad ni Duterte ay dahil sa “aggressive war on drugs that has killed more than 8,000 people in the Philippines.”

Una nang itinanggi ng Pangulo na nagbayad siya upang manguna sa online poll ng TIME Magazine para sa 2017 Top 100 Most Influential People. (ARGYLL CYRUS GEDUCOS at BETH CAMIA)