SA unang pagkakataon sa nakalipas na 31 taon, sa Pilipinas maghaharap ngayong buwan ang mga negosyador ng gobyerno ng Pilipinas at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front-New People’s Army (CPP-NDF-NPA).
Tunay na isa itong magandang balita. Ang nakalipas na 40 pakikipagpulong ng mga nakalipas na administrasyon, simula kay Pangulong Cory Aquino noong 1986, ay ginawa sa ibang bansa, karamihan ay sa mabubuting tanggapan ng mga pamahalaan ng The Netherlands at Norway. Ang mga pag-uusap sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte ay sa ibang bansa rin idinaos. Ang mga opisyal ng CPP ay nakatira sa ibang bansa bilang self-exile. At nais nilang mapanatili ang imahe ng pagsasagawa ng mga negosasyon sa isang teritoryong “neutral”.
Ang pulong sa Abril 20 sa Quezon City ay tututok sa mga repormang socio-economic sa bansa. Marami ang naniniwalang ito ang sentro ng usapang pangkapayapaan sa kilusang Komunista. Itatampok dito ang reporma sa lupa, kaunlaran sa kanayunan, pambansang industriyalisasyon, at ayuda ng mga dayuhan sa ekonomiya.
Ang iba pang mga pangunahing usapin na tinatalakay ng magkabilang panig ay ang repormang legal-political-constitutional. Tinatalakay ito ng ibang grupo ng mga negosyador. Nabatid na may napagkakasunduan na rin ang grupong ito sa sarili nilang talakayan, kabilang na ang federal na uri ng pamahalaan sa bansa. Ang magkabilang partido na nag-uusap sa mga repomang ito ay magpupulong sa ibang bansa para sa ikalimang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Ang isa pang mahalagang usapin na tatalakayin sa susunod na negosasyon sa The Netherlands ay ang pagkakasundo sa tigil-putukan. Ang pagsusuko naman sa mga armas at miyembro ng NPA sa pagtatapos ng rebelyon ang kailangang mapagkasunduan ng grupong ito ng mga negosyador.
Sa nakalipas na mga taon, ilang sektor ang nagtatanong kung bakit sa ibang bansa idinaraos ang negosasyong pangkapayapaan sa mga pinuno ng Komunistang rebelyon, gayong ang sinisikap resolbahin ang isang suliranin ng bansa na dapat na pagkasunduan sa mismong ating bayan. Ang kasagutan, siyempre pa, ay dahil hindi lubos ang pagtitiwala ng mga lider-Komunista sa ating pamahalaan bukod pa sa pangambang aarestuhin sila sakaling magbalik-bansa.
Nagawa ni Pangulong Duterte na makipag-usap sa mga pinunong ito, dahil na rin sa matagal na niyang mabuting ugnayan sa chairman at nagtatag ng CPP na si Jose Ma. Sison, na ilang taon nang naka-exile sa Netherlands. Sa simula pa man ng kanyang administrasyon ay inimbitahan na ng Pangulo ang CPP na tukuyin ang mga kasapi nitong maaaring mapabilang sa kanyang Gabinete. At kaagad niyang sinimulan ang usapang pangkapayapaan.
Nagkaroon kamakailan ng mga hadlang sa negosasyon, nang akusahan ng Sandatahang Lakas at NPA ang isa’t isa ng paglabas sa tigil-putukan. Ngunit ang pangkalahatang negosasyon ay nagpatuloy na sa Netherlands at ang pinakamagandang balita rito ay ang pagdaraos, sa unang pagkakataon, sa Pilipinas ng usapan sa repormang panglipunan at pang-ekonomiya.