MAHALAGANG magkaroon ng kooperasyon sa pagitan ng publiko at mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang kahandaan at maiwasan ang mga sakuna o trahedya kapag tumama ang lindol sa mga komunidad.

Binigyang-diin ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum, kasalukuyan ding Department of Science and Technology Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation, ang kahalagahan ng paglahok ng komunidad sa pagpapatupad ng disaster preparedness measure sa Metro Manila at sa mga karatig na probinsiya.

Iminungkahi ni Solidum ang pagsasagawa ng regular na earthquake preparedness at evacuation drills sa mga barangay para ganap na mamulat ang publiko sa epekto ng lindol sa mga komunidad sa pagpupulong ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council noong Miyerkules sa Metro Manila Crisis Monitoring and Management Center sa punong tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority sa Makati City.

Dahil matatagpuan ang Pilipinas sa ilang fault system kung saan maaaring mangyari ang lindol anumang oras dahil sa paggalaw nito, mahalaga na makapagtatag ang mga barangay ng mga grupo na unang tutugon sa lindol at sa iba pang mga natural na kalamidad.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Mahalaga ring matatag ang epektibong sistema ng komunikasyon para sa pakikipag-ugnayan ng rescue services at

pagpapakalap ng mahahalagang impormasyon habang dapat na mabilis na makaresponde ang mga helicopter, ambulansiya, iba pang mga emergency vehicle dahil napipinsala ng malalakas na lindol ang mga pangunahing imprastruktura na nagdudulot na pagkakahiwalay ng iba’t ibang komunidad.

“We must establish programs that can help communities increase awareness and encourage them into action towards preparedness for disasters,” pagdidiin ni Solidum.

“We must prevent leadership vacuum. Local authorities should always be on ready when disaster strikes,” dagdag niya.

Inihayag naman ni Metropolitan Manila Development Authority Officer in Charge at General Manager Thomas Orbos, kasalukuyan ding chair ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council, na magpapanukala ang ahensiya sa Metro Manila Council sa ikatlong Metro-wide earthquake drill nito sa Hulyo 2017.

Iminungkahi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na isama ang Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite sa earthquake drill. (PNA)