MULING ipinakita ni Jeff Chan ang taglay na take-charge mentality nitong Miyerkules Santo nang pangunahan ang defending champion Rain or Shine sa 96-94 come-from-behind win kontra Phoenix.

Naiiwan ang Elasto Painters ng 17-puntos, pinamunuan ni Chan ang pagbalikwas ng Paint Masters sa pamamagitan ng mga mahahalagang baskets sa loob at labas ng shaded lane, tampok ang three-point play kontra kay Mark Borboran may 7.7 segundo ang natitira sa laban na nagbigay sa ROS ng kalamangan, 95-94.

Tumapos ang kaliweteng shooter na tubong Bacolod na may 24 puntos , 12 dito ang isinalansan niya sa huling anim na minuto ng laban upang tulungan ang Rain or Shine na putulin ang kinasadlakang two-game skid at umangat sa markang 4-2.

Dahil sa ipinakita ng 34-anyos na si Chan,nakamit nya ang Accel-PBA Press Corps Player of the Week para sa kabuuang linggo (Abril 10-16) kung saan tinalo niya sina San Miguel Beer guard Chris Ross, Meralco big man Kelly Nabong at wingman Jared Dillinger at GlobalPort Fil-American guard Stanley Pringle.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Mula roon, nagpahinga ang Rain or Shine sa nakaraang Holy Week at inaasahang magiging all-out sa paghahanda para sa susunod nilang laban kontra sa wala pa ring talong San Miguel Beer (3-0) sa Abril 22 sa Mall of Asia Arena.

(Marivic Awitan)