NAGHIWALAY ang NBA star na siCarmelo Anthony at dating MTV VJ na si La La Anthony, ayon sa mga ulat.
Umalis na si La La sa kanilang tahanan nitong nakaraang linggo at kasalukuyang nakatira sa kanyang sariling bahay sa New York City, ayon sa TMZ. Sinabi sa ulat na nagkaroon ng “ups and downs” ang dalawa sa kanilang pagsasama, ngunit ang kasalukuyang season ni Carmelo sa New York Knicks ang naging “extremely stressful” sa kanilang pagsasama nitong mga nagdaang buwan. Gayunman, maayos ang ugnayan ng dalawa at hindi pa napag-uusapan ang diborsiyo.
Mayroong isang anak sina Carmelo, 32, at La La, 37, ang sampung taon na si Kiyan. Ikinasal sila noong Hulyo 2010, bagamat engaged na sila simula noong Araw ng Pasko noong 2004.
Nitong nakaraang buwan, nag-post si La La ng sweet na larawan ni Carmelo at Kiyan sa Instagram.
Samantala, binati ni Carmelo si La La ng masayang Valentine’s Day nitong Pebrero.
Noong Oktubre, isa si La La sa mga unang bumisita sa kanyang kaibigan na si Kim Kardashian sa New York City nang manakawan at matutukan ito ng baril sa Paris, France. (ET Online)