Habang isinusulat ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang binatilyo matapos pagsasaksakin ng tatay ng kanyang ginulpi sa Caloocan City.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital si Ryan De Ocampo, 21, ng No. 213 Concepcion Street, Barangay 132, Bagong Barrio ng nasabing lungsod, na nagtamo ng malalim na saksak sa dibdib.
Nahaharap naman sa kasong frustrated murder ang suspek na si Roy Macano, 40, kapitbahay ng biktima, na tumakas matapos ang insidente.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Ma. Theresa Maliqliq ng Police Community Precinct (PCP) 1, bandang 8:00 ng gabi, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng Concepcion St., Bgy. 132, Caloocan City.
Inabangan siya ni Macano at inundayan ng saksak sa dibdib.
Napag-alaman na nagalit si Macano kay De Ocampo dahil ginulpi ng huli ang kanyang anak kamakailan. (Orly L. Barcala)