MONTE CARLO, Monaco (AP) — Nangailangan si Tomas Berdych ng dalawang oras at tatlong sets para malusutan ang matikas na pakikihamok ni Russian qualifier Andrey Kuznetsov at makausad sa second round ng Monte Carlo Masters nitong Lunes (Martes sa Manila).
Nakaiskor si Berdych, runner-up dito may dalawang taon na ang nakalilipas, ng dalawa sa 11 break point at maghabol kay Kuznetsov tungo sa 4-6, 6-3, 6-4 panalo.
Sa kasalukuyan, lahat ng anim na seeded player ay nakausad sa second round-- sina No. 12 Robert Bautista Agut, No. 13 Pablo Carreno Busta, No. 14 Alexander Zverev, No. 15 Albert Ramos-Vinolas, at No. 16 Pablo Cuevas.
Patuloy naman ang impresibong kampanya ng 19-anyos na si Zverev nang patalikin si Italian veteran Andreas Seppi, 6-1, 6-2.
"I like playing on clay," pahayag ni Zverev. "It's the surface I grew up on."
Sunod na makakaharap ni Zverev ang mananalo sa duwelo nina Feliciano Lopez at Daniil Medvedev.
Sisimulan naman ni Novak Djokovic, kasama sa main draw na kinabibilangan din ni nine-time champion Rafael Nadal, ang kampanya sa Martes (Miyerkules sa Manila) kontra Gilles Simon ng France.