Untitled-2 copy

BOSTON (AP) — Nagbabalik ang Kenyans at siniguro nilang magugulantang ang mundo.

Kinumpleto nina Geoffrey Kirui at Edna Kiplagat ang makasaysayang ‘sweep’ sa 121st Boston Marathon nitong Lunes (Martes sa Manila) upang muling mangibabaw sa torneo na nagbigay sa Kenya ng kabiguan sa nakalipas na tatlong taon.

Nakopo ni Kirui ang unang men’s title sa Kenya sa nakalipas na limang taon at nagawa niya ito laban kay three-time US Olympian Galen Rupp, habang napagwagihan ni Kiplagat ang women's race kontra rin sa American rival.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Sa kabuuan, nasungkit ng Americans ang sumunod na apat na puwesto sa women's class at anim sa Top 10 sa men’s division. Ito ang unang pagkakataon na nagpamalas ng impresibong kampanya ang Americans mula nang gawing professional ang Boston Marathon noong 1986.

"It's so exciting to see Americans being competitive here," sambit ni Rupp, Olympic bronze medalist at sumabak sa unang pagkakataon dito. “It's a real exciting time. And it's awesome to see American distance running on the upswing and being competitive in these races."

Naisumite ni Kirui ang tyempong dalawang oras, siyam na minuto at 37 segundo para maiuwi ang silver trophy, isang guilded olive wreath mula sa Marathon, Greece, at premyong US$150,000. Pumangalawa si Rupp may 21 segundo ang layo kabuntot si Japanese Suguru Osako, may 30 segundo ang laro sa kampeon.

Kabilang sa 10 ang mga runner mula sa California, Arizona, Colorado, Oregon at Utah.

"American distance running is looking good today," pahayag ni sixth-place finisher Abdi Abdirahman, isang Somali immigrant sa Tucson at four-time Olympian. "We have the podium for both men and women, so the future is great."

Nakatawid naman si Kiplagat, sumabak din dito sa unang pagkakataon, sa tyempong 2:21:52 para maidagdag sa napagtagumpayan niya sa dalawang World championship, gayundin sa panalo sa London, New York at Lo Angeles.

Naiwan niya si Rose Chelimo ng Bahrain sa Newton hills para maitala ang 59 segundong bentahe.

Pumangatlo si American Jordan Hasay, tumakbo sa unang pagkakataon sa 26.2-mile distance race, kasunod si Desi Linden. Ito ang unang pagkakataon mula noong 1991 na nakatapos sa top four ang dalawang U.S. women.

Dominado ng Kenya ang bawat karera mula noong 1991 bago nabokya noong 2014 at sa nakalipas na taon. Mula noong 2000, naitala ng Kenya ang ‘sweep’ sa anim na pagkakataon.

Ngunit, sa nakalipas na apat na taon, umentra ang Ethiopia at nakuha ang unang ‘sweep’ sa karera noong 2016. Bunsod naman ng isyu sa doping, binawi ang korona kay Kenyan Rita Jeptoo sa 2014 race at ibinigay kay Ethiopia's Buzunesh Deba.