Inamin kahapon ng Philippine National Police (PNP) na nakatakas ang pangunahing supplier ng ecstasy sa Ermita, Maynila na si Jun No habang nagpapagaling sa East Avenue Medical Center (EAMC) nitong Abril 15.

Ayon sa PNP-Drug Enforcement Group (DEG), bandang 6:30 ng umaga tumakas si No habang siya’y nagpapahilom ng sugat makaraang sumailalim sa operasyon sa nasabing ospital.

Matatandaang inaresto si No, na mas kilala sa alyas na “Jazz”, noong Abril 5 dahil sa pagbebenta ng ecstasy sa Maynila.

Kaugnay nito, inaresto ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang babaeng tumulong sa pagtakas ni No.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nahaharap si Danleen Son, alyas “Soeyang”, 24, sa kasong obstruction of justice, paglabag sa Presidential Decree No. 1829 at Section 5.

Sinampahan din ng kasong evasion through negligence sina SPO2 Michael Macarubbo ng PNP-DEG; at Intelligence Officer 2 Enrie Eugnio ng PDEA SES dahil sa kapabayaan laban kay No.

Sa imbestigasyon ng CIDG, binigyan ni No ng P3,000 si Son noong ito ay nasa EAMC.

Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman ang nasabing halaga sa pagtakas ni No.

TINUTUGIS NA

Nagpakalat na ng tracker team ang mga pulis at government anti-narcotics group upang madakma si No.

Naniniwala umano si Supt. Enrico Rigor, tagapagsalita ng Drug Enforcement Group (DEG), na hindi makakalayo si No dahil katatapos lamang nitong operahan.

“There are at least three special operations units currently deployed now. The members of the team are working on a shifting basis, closely monitoring the whereabouts of No,” ayon kay Rigor.

TULOG SA PANSITAN

Base sa inisyal na imbestigasyon, may dalawang guwardiyang nakatalaga sa pagbabantay kay No— sina Macarubbo at Eugnio.

“They already surrendered, they will face criminal and administrative charges,” ayon kay Rigor.

CIDG, KAISA SA IMBESTIGASYON

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, kumikilos na rin ang CIDG upang imbestigahan ang pagtakas ni No.

“There were lapses on the part of the guards from DEG and PDEA. Jointly, they are guarding the suspect with the presence of the girlfriend (of No),” sambit ni Carlos.

P3,000

Isa sa mga anggulong iniimbestigahan ay ang P3,000 kinuha mula sa nobya ni No.

Ngunit sinabi ni Rigor na tila imposibleng ito ay kabayaran sa pagtakas ni No.

“At the time of the escape, No had only P3,000 so it is highly impossible that the guards would be paid with that.

But the CIDG will look into that,” ayon kay Rigor. (FER TABOY, AARON RECUENCO at BELLA GAMOTEA)