KAHIT hindi na gobernador ng Batangas si Congresswoman Vilma Santos-Recto ay apektadung-apektado pa rin siya sa sunud-sunod na paglindol sa naturang probinsiya. Wala namang dapat ipag-alala si Ate Vi dahil maayos naman ang lagay ng constituents niya sa Lipa City.
Pero nine years na naging ina ng buong Batangas si Ate Vi kaya nang unang lumindol ay nagpapunta agad siya ng mga tauhan sa lahat ng mga nasasakupan ng probinsiya at inalam kung ano ang maaari niyang maipadalang mabilisang tulong.
“Hanggang ngayon, eh, ginagawa namin ‘yung everyday monitoring at saka immediate relief. Alam naman nating ‘yung rehabilitation at ‘yung sinasabing reconstruction, eh, hindi mo agad magagawa ‘yun dahil maya-maya nga, eh, nakaramdam tayo ng aftershocks,” sey ni Ate Vi nang kontakin namin.
“Sa totoo lang, eh, may mga aftershocks nga na medyo malalakas pa kaysa mga naunang paglindol. Sabi nga nila, eh, earthquake swarm, ‘yan, eh. Natural daw na nangyayari ‘yan na nagiging sunud-sunod ang pag-uga ng lupa.
“Kaya nga huwag na munang asahan ang immediate reconstruction at rehab. Kumbaga, in as much as we want to help doon, lalung-lalo na sa mga historical buildings at mga simbahan, baka hindi pa tamang unahin ‘yun sa ngayon,” sabi pa ni Ate Vi.
Binanggit din niya na plano raw talaga nila ni Sen. Ralph Recto na magtagal pa sa pababakasyon sa Japan na isinabay nila sa recess ng House at Senado.
“Pero sa nangyari, eh, hindi kami p’wedeng magtagal sa ibang bansa at lumayo pa sa Batangas.”
Samantala, interesado ang kanyang fans kung kailan uli siya makakagawa ng bagong pelikula.
“Well, sa totoo lang, eh, sino ba ang may ayaw gumawa tayo ng pelikula. Pero masyadong maikli ang aming bakasyon.
Hindi tayo makakatapos ng isang pelikula. Isa pa, eh, inamin ko na rin naman sa inyo na hanggang ngayon, eh, medyo nangangapa pa tayo sa trabaho ko bilang congresswoman.
“Need ko pa rin talaga ang tutok sa trabaho ko sa Kongreso. Kailangan kong mapag-aralan muna nang husto. Kung kabisado ko na ‘yan, madali lang ang gumawa ng pelikula. I mean, ‘pag dumating ang time na medyo kabisado ko na ang galaw lahat, eh, madali na rin namang gumawa ng pelikula,” lahad pa rin ng Star for All Seasons. (Jimi Escala)