Halos ma-trauma ang isang batang babae makaraang tamaan ng ligaw na bala habang naglalaro sa tapat ng kanilang bahay sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng hapon.
Kasalukuyang nagpapagaling ang biktima, 3, ng Aroma Compound, Tondo, sakop ng Barangay 105, Zone 8, dahil sa tama ng bala sa kaliwang hita at kaliwang kamay.
Tumakas naman ang suspek na si Jerico Bajar, alyas “Joshua”, kapitbahay ng biktima.
Sa ulat ni PO2 Jolito Ramones kay Police Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 2:45 ng hapon nangyari ang pamamaril sa tapat ng bahay ng biktima.
Naglalaro umano ang bata sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na armado ng ‘di pa tukoy na kalibre ng baril.
Napag-alaman na may hinahabol si Bajar at pinaputukan ng baril ngunit ang walang kamalay-malay na biktima ang tinamaan ng bala.
Nagsasagawa na ng follow-up operation laban kay Bajar. (Mary Ann Santiago)