TAPOS na ang Semana Santa. Isang panahon para sa mga Kristiyanong Katoliko na gunitain ang mga hirap, pasakit at kamatayan ni Kristo. At sa paggunita, tayong mga Pilipino ay hindi nakalilimot na bigyang-buhay at bigyang-halaga ang mga tradisyon at kaugalian tuwing Semana Santa. Sa mga bayan sa lalawigan, tampok na bahagi ng paggunita ang mga Pabasa, pa-Rosario Cantada ng mga may-ari ng mga imahen na isinasama sa prusisyon tuwing Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Pasko o Linggo ng Pagkabuhay. May inihandang libreng pagkain sa mga kalahok sa tradisyon at iba pang panauhin.

Nagsiuwi rin sa kanilang mga lalawigan ang mga kababayan natin na nakatira at nagtatrabaho sa Metro Manila upang sa kani-kanilang bayan gunitain ang Semana Santa. Nag-visita iglesia, nag-via crucis at dumalo sa mga ritwal sa simbahan.

Sa mga masalapi, mga taga-showbiz at iba pa nating kababayan, ang Semana Santa ay isang magandang panahon ng bakasyon. May nagpunta sa mga kilalang lugar tulad ng Boracay, Cebu, Bohol, Palawan, Bicol, Batangas at iba pa na may magagandang resort. Doon sila nagbakasyon at nagpalipas ng Semana Santa. Sa pagbabakasyon, parang nawala na sa kanila ang salitang pangingilin. Dahil dito, hindi tuloy naiwasan na sabihin ng iba nating kababayan na para silang mga makabagong Hudyo at pagano. Ngunit ano man ang sabihin ng ating kababayan, karapatan nila ang magbakasyon sa panahon ng Semana Santa.

Sa Rizal, minsan pa, noong gabi ng Huwebes Santo hanggang sa madaling araw ng Biyernes Santo ay libo nating kababayan mula sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal ang lumahok sa “penitential walk” paahon ng Antipolo. Ang paglalakad na ang iba’y walang sapin sa paa ay nagsimula sa tapat ng gusali ng Meralco sa Ortigas Avenue, Pasig City. Ang mga taga-Rizal naman ay naglakad paahon sa Antipolo mula sa Kaytikling junction sa Taytay, Rizal. Ang penitential walk ay bahagi ng kanilang panata tuwing sasapit ang Huwebes Santo at Biyernes Santo. Pagsapit sa Antipolo, ang iba’y nagdasal at nagpasalamat sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay na nakadambana sa katedral ng Antipolo. Pagkatapos ay nagsibalik na pauwi sa kani-kanilang bayan sakay sa mga pampasaherong jeep patungong Metro Manila.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Batay sa report ng Rizal Police Provincial Office (RPPO), walang naganap na untoward incident o karahasan sa penitential walk. Malaking tulong ang pagtatalaga ng mga pulis sa Ortigas Avenue sa bahagi ng Cainta; Taytay hanggang sa Antipolo, partikular na sa harap at paligid ng katedral ng Antipolo. Ayon pa sa report ng RPPO, ang penitential walk ngayong 2017 ay hindi kasindami noong nakalipas na taon. Tinatayang umabot sa mahigit 4,000 katao ang nag-penitential walk. Ang dahilan ay ang mainit na panahon.

Sa prusisyon noong gabi ng Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Pagkabuhay, sumalakay na muli ang mga tinatawag na SUGOD-BULAKLAK. Sila ang mga kabataang babae at lalaki at mga senior citizen na nakipagprusisyon. Ugali nila na kahit hindi pa natatapos ang prusisyon ay sumusugod na sa karosa at andas ng mga imahen. Agawan, siksikan at tulakan sa pagkuha at paghablot ng mga bulaklak na dekorasyon sa andas at karosa ng mga imahen na isinama sa prusisyon. Pasaway sila sapagkat ayaw makinig sa mga bumubuhat ng andas. Para silang mga siraulo at nawalan ng bait.

Sa pagsugod sa mga bulaklak, wala silang pakialam kung may masira mang gamit sa andas at karosa. Kaya, bago sumapit sa patyo ng simbahan at iuwi ang mga imahen na kasama sa prusisyon, nahubaran na ng mga palamuting bulaklak ang andas at karosa. Ang mga naagaw na bulaklak ay iniuuwi sa kanilang bahay. Ang mga sugod-bulaklak ay parang isang parusa at peste sa panahon ng Semana Santa. Kailan kaya matatapos ang kanilang mga kahibangan? (Clemen Bautista)