Arestado ang isang mag-live-in partner at isa pang lalaki matapos umano nilang holdapin ang apat na babae sa magkahiwalay na insidente sa Maynila, iniulat kahapon.

Unang inaresto sina Maan Echalar, alyas “Abegail”, 39, ng 2133 C. F. Munoz Street, Singalong, Maynila; at Dan Robert Adan, 38, ng 4615 Aranda St., Barangay Tejero, Makati City, makaraang ireklamo nina Maria Alyssa Alvarico, 19, ng Tondo; at Anne Jelly Guillermo, 23, ng Commonwealth, Quezon City, dahil sa panghoholdap at pagtangay ng kanilang mamahaling cell phone.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Wilfredo Balderama, ng Manila Police District (MPD)-Station 3, nabatid na sinet-up ng mga suspek ang mga biktima at kinumbinsi na maging mga escort ng dalawang turistang Hapon patungo sa Grand Opera Hotel Casino, ngunit pagsapit sa Mayhaligue St., sa Sta. Cruz ay hinoldap sila ng mag-asawa.

Nakuha kay Alvarico ang kanyang Samsung Note 3 na nagkakahalaga ng P15,000 habang natangay naman kay Alvarico ang kanyang Vivo V3 na nagkakahalaga ng P10,000.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sumunod namang inaresto si Bernie Iglesias, 18, ng Basan St., Quiapo, habang nakatakas ang kanyang kasama na si alyas “Oli”, makaraang holdapin sina Carlos Rajel, 45, ng 1066 Kamias St., Pasig City; at Mary Aubrey Guinto, 24, ng 60 Herbosa St., Tondo.

Sa ulat ni SPO1 Julio Espiritu, Jr., ng MPD-Station 3, sakay sa pampasaherong jeep patungong Tayuman Street ang mga biktima nang holdapin ng mga suspek, na kapwa nagpanggap na pasahero, sa Rizal Avenue, dakong 8:30 ng gabi.

Armado ng patalim, sapilitang tinangay ng mga suspek ang Samsung S3 ni Rajel, na nagkakahalaga ng P12,000, at wallet na may lamang P4,000 cash, gayundin ang iPhone 7 ni Guinto, na nagkakahalaga ng P48,000 at kanyang wallet na may lamang P2,000 cash at mga ATM card.

Naaresto ng mga barangay tanod si Iglesias ngunit nakatakas si Oli na siyang may dala ng mga cell phone at mga pera ng mga biktima.

Nakatakdang sampahan ng kasong robbery hold-up ang mga naarestong suspek. (MARY ANN SANTIAGO)