SAN FRANCISCO, Quezon – Isang 12-anyos na estudyante ang nasawi, apat ang nawawala at apat na iba pa ang nailigtas makaraang lumubog ang sinasakyan nilang bangkang de-motor sa Barangay Pagsangahan sa San Francisco, Quezon nitong Biyernes, ayon sa mga report na natanggap nitong Sabado ng gabi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Batay sa mga report, kinilala ang nasawi na si Junex P. Dilao, 12, habang hanggang sa sinusulat ang balitang ito ay hinahanap pa ang mga nawawalang sina Abraham C. Heyrana, Sharona V. Heyrana, Feron Chester M. Cuezon at Ferry Chesron M. Cuezon.
Na-rescue naman sina Norafe C. Minggoy, 43; Jayvenz Adrian V. Heyrana, 11; Jallenz Andrey V. Heyrana, 9; at Nenifer F. Lim, 35, pawang taga-Bgy. Pagsanghan.
Ayon sa mga report ng PDRRMO, patungo ang mga biktima sa Burias sa Masbate para sa isang picnic nang hampasin ng malalaking alon ang bangka sa kalagitnaan ng paglalayag bandang 5:30 ng hapon. (Danny J. Estacio)