SAKALING magsimulang tumaas ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo, ito ay dahil patuloy pa ring nagdedebate ang ating mga opisyal kung sapat na ba ang inaani ng ating mga magsasaka para sa mamamayan o kung kailangan pa nating umangkat ng daan-daang libong tonelada ng bigas mula sa Thailand at Vietnam.
Noong nakaraang buwan, nanawagan ang National Food Authority (NFA) para sa agarang pag-aangkat ng 250,000 tonelada ng bigas dahil nakikinita na ng ahensiya ang karaniwan nang kakapusan nito sa bansa. Bilang suporta ng pamahalaan, dapat nitong bilhin ang ani ng ating mga magsasaka sa presyong P17 kada kilo. Subalit tumaas na ang farm-gate prices sa P18 hanggang P20 bawat kilo, anang ahensiya, na nangangahulugan ng kakaunting supply.
Gayunman, tinutulan ng iba pang mga opisyal ang desisyon ng NFA, partikular na ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na hinihimok ang mga nagtatanim ng palay sa bansa na pasiglahin pa ang kanilang produksiyon sa pamamagitan ng pag-aalok ng iba’t ibang insentibo, kabilang na ang libreng irigasyon at ayuda sa pagpapautang.
Gumitna naman sa usapin ang Foundation for Economic Freedom (FEF), na naghahangad ng reporma sa merkado habang napoprotektahan ang mga mamimili. Ang pangkalahatang pagpapatigil sa pag-aangkat ng bigas ay isang mapanganib na polisiya na maaaring magbunsod sa malawakang kakapusan, anito. Kasabay nito, hindi naniniwala ang FEF sa polisiya na tanging sa NFA lamang nagpapahintulot ng pag-aangkat ng bigas para sa bansa. “The government is a poor judge of the timing of rice imports,” anito. “Decisions to import are best left to the private sector since it is in the interest of the private sector to import at the lowest possible price and in an amount that will not lead to an oversupply.”
Gayunman, ang posisyong ito — ang pagpapaubaya sa pag-angkat ng bigas sa pribadong sektor — ay hindi matatanggap ng mga nakaaalala pa sa panahon sa nakalipas na administrasyon nang pahintulutan ng gobyerno na mamayagpag sa merkado ang mga puslit na bigas, na nagpatamlay sa lokal na produksiyon. Ito ang naging hudyat ng pamahalaan upang kontrolin ang lahat ng pag-aangkat sa pamamagitan ng NFA.
Napakaraming panig ang tumututol at ipinagpaliban ni Pangulong Duterte ang paglalabas ng pinal na desisyon, marahil hanggang sa makabalik siya mula sa mga pagbisita sa Gitnang Silangan. Kailangan ba nating panatilihin ang status quo ng hindi pag-aangkat, gaya ng iginigiit ni Secretary Piñol? Sisimulan na ba ng pamahalaan ang pag-aangkat, gaya ng nais ng NFA? Dapat na nga bang ipaubaya na lang sa pribadong sektor ang pag-aangkat, gaya ng mungkahi ng FEF?
Napapagitna sa lahat ng ito ang mga consumer sa bansa na makikinabang o magdurusa sa magiging pasya. Patuloy tayong umasa na magtatagumpay tayo sa pagsasakatuparan ng kasapatan ng aning bigas para sa ating lahat, sakali mang hindi ngayon ay sa susunod na taon. Ngunit ang pangunahin nating interes ay ang kapakanan ng mga mamimiling Pilipino kaya dapat lamang na mapanatiling matatag ang presyo ng bigas para sa kanila.