ILAGAN CITY, Isabela – Siyam na katao, kabilang ang limang menor de edad, ang nalunod sa Isabela at Pangasinan nitong Sabade de Gloria.

Sa ulat kahapon ni Supt. Manuel Bringas, hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Isabela Police Provincial Office, nakilala ang mga nasawi sa lalawigan na sina Rachel Domingo, 12; Rhea Labog, 12; at Carla Jane Maramag, 12, pawang taga-Barangay Duminit, Cauayan City; Marvin Balisi, 27, ng Bgy. Allinguigan 2nd, Ilagan City; at isang hindi pa nakikilalang babae na natagpuan sa Cagayan River sa Reina Mercedes.

Ayon sa police report, naligo sa Cagayan River ang tatlong dalagita dakong 12:30 ng tanghali nitong Sabado pero nalunod ang mga ito.

Lasing naman umano nang mag-swimming si Balisi sa Pinacanauan River sa Ilagan City hanggang sa malunod dakong 5:00 ng hapon.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sa Pangasinan, nalunod at lumutang sa Tondol White Sand Beach sa Anda si Darwin Castrence, 31, ng Bgy. Mal-ong.

Bandang 11:30 ng umaga naman nang malunod sa Bagbag Beach sa Bgy. Victoria, Alaminos City si Kenneth Camba, 15, may epilepsy at residente ng Bgy. Amangbangan.

Dakong 1:20 ng hapon nitong Sabado naman nang natagpuan si Jun Rey Sandoval, isang taon at siyam na buwang gulang at taga-Bgy. Away, San Jacinto, makaraang madulas at malunod sa Malasin River sa Pozorrubio Pangasinan.

Naliligo naman sa beach ng San Fabian si Desimprado Garcia, 81, ng Bgy. Labuan, San Quintin nang atakehin sa puso at malunod. (Liezle Basa Iñigo)