Hundreds of commuters were stranded and were forced to ride a bo

CEBU CITY – Anim na katao ang nasawi sa matinding baha na dulot ng bagyong ‘Crising’ sa Danao City at Carmen sa hilagang Cebu kahapon ng umaga.

Ayon kay Julius Regner, tagapagsalita ng Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), limang katao ang tinangay ng baha sa bayan ng Carmen, habang isa naman ang nalunod sa baha sa Danao City.

Ang baha ay bunsod ng malakas na ulang dulot ng bagyong Crising, ayon kay Regner.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Kinilala ni Regner ang mga nasawi sa Carmen na si Rowena Asenicion, 38; at mga anak niyang sina Joyed, 12; at Ivan, 10; at sina Acena Laping, 51; at Bens Ayan, dalawang taong gulang.

Natagpuang lumulutang ang mag-iinang Asenicion sa Barangay Dawis Norte, may dalawang kilometro ang layo mula sa kanilang bahay sa Bgy. Duwalog, Carmen.

Sinabi ni Regner na pinaghahanap pa ng mga rescuer ang dalawa pang tao sa Bgy. Poblacion sa Carmen.

Aniya, nalunod naman sa baha sa Danao City si Benyang Manulat, 52 anyos.

Magdamag na nagbuhos ng ulan, napaulat na binaha rin dahil sa bagyo ang mga siyudad ng Mandaue at Cebu.

Sa Leyte, sinabi ni Gov. Leopoldo Dominico L. Petilla na batay sa mga paunang report mula sa ilang munisipalidad sa lalawigan, ilang lugar ang nalubog sa baha dahil sa bagyong Crising.

ABOT HANGGANG SA LEEG

Sinabi ni Petilla na aabot sa tuhod hanggang sa leeg ang mga baha sa mga bayan ng Palo, Tan-auan, MacArthur, Tunga, Barugo, Hindang, Julita, at Babatngon.

Sa taya ng gobernador, halos 100 ektarya rin ng mga taniman ang nalubog sa baha, bagamat wala pang aktuwal na taya sa pinsala sa mga ito hanggang kahapon.

Ayon kay Petilla, pinakamatinding naapektuhan ng baha ang Palo at Tan-auan.

Sa Palo, limang barangay ang lubog sa hanggang leeg na baha at kaagad na inilikas ang mga residente sa mas mataas na lugar. Hanggang dibdib naman ang baha sa 13 barangay sa Tan-auan, at nagsagawa na rin ng mga paglilikas.

LPA NA LANG

Humina naman ang bagyong Crising at naging isang low pressure area (LPA) na lang matapos mag-landfall sa Samar at tumawid sa Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Namataan ang LPA sa 85 kilometro sa silangan-timog-silangan ng Roxas City kahapon ng umaga.

Ayon pa sa PAGASA, patuloy na magdudulot ng pag-uulan ang LPA at maaari ring magbunsod ng baha at pagguho ng lupa sa Eastern at Central Visayas ngayong Lunes. (PNA, Restituto Cayubit at Ellalyn de Vera-Ruiz)