Kapwa nalagutan ng hininga ang isang vendor at isang ginang makaraang tadtarin ng saksak sa katawan sa Quezon City, iniulat kahapon.

Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang krimeng kinasangkutan ng dalawang naarestong suspek na sina Kasan Nudin Arumbac, 23, tubong Marawi City, tumutuloy sa Sta. Barbara Street, Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City; at Oscar Ramos, alyas “Winston”, nasa hustong gulang, ng No. 148 Aquino St., Chapel Area. Sitio Militar, Bgy. Bahay Toro, Quezon City.

Sa report ni PO2 Jim Barayoga ng CIDU, ganap na 5:30 ng umaga kamakalawa, napatay sa saksak ni Arumbac ang boyfriend ng kanyang kapatid na si Mohamad Sidek Diampuan, 24, matapos nilang magtalo.

Napag-alaman na magkakabayan ang biktima at ang suspek at magkasama sa iisang bahay sa Bgy. Gulod, Novaliches.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Samantala, sa Bgy. Bahay Toro, napatay din sa saksak si Emily Turno, 42, tubong Iligan City, at nakatira sa No. 35 Cadena De Amor St., Bgy. Bahay Toro.

Agad namang naaresto ni Jose Yaquiz, tanod, ang suspek na si Winston sa kanyang bahay sa naturang lugar.

Base sa ulat ni PO2 Anthony Dejerero, may hawak ng kaso, bandang 6:30 ng umaga sinaksak ni Winston si Emily nang dumating ito sa bahay ng una.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, umuutang umano ang biktima sa kapatid ng suspek at sa hindi malamang dahilan ay inundayan ng saksak ni Winston si Emily.

Kapwa nakakulong sina Arumbac at Winston sa CIDU at nahaharap sa kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office. (Jun Fabon)