ILOILO CITY – Hindi ang bagyong ‘Crising’ ang trahedyang bumulaga sa Linggo ng Pagkabuhay sa Iloilo City, kundi isang malaking sunog.
Sinabi ni SFO1 Rollin G. Hormina, ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Iloilo City, na 11 katao ang nasugatan at 53 bahay ang naabo sa sunog na sumiklab bandang 12:50 ng umaga nitong Linggo sa Barangay Lopez Jaena Norte sa La Paz district.
Taliwas naman sa mga ulat na kumalat sa Facebook kahapon, nilinaw ng BFP na walang nasawi sa sunog.
Mahigit 15 fire truck ang rumesponde upang maapula ang apoy na tuluyang nakontrol bandang 6:05 ng umaga.
Ayon kay Hormina, nagmula ang sunog sa bahay ni Teresita Jaena, ngunit iniimbestigahan pa ang sanhi nito.
Samantala, namahagi na ng mga food pack ang Iloilo City Social Welfare and Development Office sa mga nasunugan na pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation center.
Tinatayang 100 pamilya ang nawalan ng tirahan. (TARA YAP)