Naghahangad na mapaangat ang kanilang peformance sa darating na UAAP Season 80 basketball tournament, magli-level-up din sa kanilang preparasyon ngayong pre-season ang University of the Philippines.
Sa unang pagkakataon ay nakatakdang magsanay ang Fighting Maroons sa Las Vegas.
Sang-ayon kay UP coach Bo Perasol, magsasanay ang Fighting Maroons sa tanyag na Impact Basketball ng kilalang trainer na si Joe Abunassar.
Ang dating UAAP champion Ateneo de Manila at ang kasalukuyang NCAA titlist San Beda College ay ilang taon nang nagsasanay sa Impact Basketball tuwing pre-season bilang bahagi ng kanilang preparasyon.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang inaayos ng kanyang koponan ang kanilang US visas.
“May naka-schedule kami sa US. We would like it to happen before the UAAP but the challenge lang is ‘yung visa. But we already have a sponsor,” ayon kay Perasol, sa panayam nito na Spin.ph kasabay ang pasasalamat sa 8990 Holdings ni JJ Atencio na siyang umusuporta sa kanila sa nakatakdang US trip.
Nagwagi ng dalawang offseason titles sa Davao at Malolos, Bulacan, hangad ng Fighting Maroons na maipagpatuloy ang kanilang winning ways para maging isang competitive team pagdating sa UAAP kung saan target nilang umabot ng Final Four sa unang pagkakataon mula noong 1997.
“Minsan ‘yung travelling together, malaking bagay sa team dynamics. Nagkakakilala sila, hindi lang sa court, nagkakaroon sila ng personal connection which is important.
“Kailangan namin na they are travelling together, eating together kasi hindi nangyayari ‘yan sa practice kasi hindi lahat nagdodorm at hindi kami naka-house together,” ani Perasol.