Nakumpleto na ng Pocari Sweat ang kinakailangan nilang reinforcements para sa kanilang title-retention campaign sa darating na Premier Volleyball League Reinforced Conference matapos nilang makuha ang serbisyo ni dating University of Illinois star hitter Michelle Strizak.

“Michelle played in Sweden and Puerto Rico (club leagues). This is her third stop,”ayon kay team manager Eric Ty sa isang text message kahapon.

Dumating noong nakaraang Miyerkules Santo, ang 6-foot-1 manlalaro na tubong Cincinnati, Ohi ay inaasahang magpapalakas sa opensa ng Lady Warriors na nauna nang nakuha bilang una nilang import si Bosnian middle blocker Edina Selimovic, na gaya ni Strizak ay produkto rin ng US NCAA Division I.

Noong nakarang buwan pa nasa bansa ang power-hitting na si Selimovic at matagal nang kasama sa ensayo ang dating 6-foot-3 University of Arkansas at Little Rock stalwart ng Lady Warriors.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Target ng Pocari Sweat ang kanilang ikatlong sunod na titulo sa liga na dating kilala bilang Shakey’s V-League na magsisimula sa Abril 30, sa San Juan Arena.

Solido pa rin ang puwersa ng Lady Warriors matapos kunin ang serbisyo nina dating NCAA Season 91 Finals MVP Jeanette Panaga ng College of Saint Benilde, Jessey de Leon ng University of Santo Tomas at ex-Ateneo star Fille Cainglet-Cayetano, kasama ng kanilang mga mainstays na sina Myla Pablo, Elaine Kasilag, Desiree Dadang, libero Melissa Gohing at setter Gyzelle Sy.

Sa pagkawala ni Michelle Gumabao, si Pablo ang inaasahang magiging bagong lider ng Lady Warrior habang magbabalik naman si Sy para sa pagpapatuloy ng naiwan ni dating setter Fil-Am Iris Tolenada na bumalik ng US para maging assistant coach ng kanyang alma mater na San Francisco State.

Kabilang din sa mga koponang kalahok sa season-opening conference ay ang pinamumunuan ni Alyssa Valdez na Creamline, Philippine Air Force, BaliPure, Perlas VC at isa pang koponan na gagbayan ng beteranong coach na si Nes Pamilar.