DOHA, Qatar - Dalawa sa tatlong bilanggong Pilipino ang posibleng pagkalooban ng pardon ng State of Qatar, sinabi kahapon ni Labor Secretary Silvestre Bello III.
Ayon kay Bello, umapela si Pangulong Duterte sa Qatar na palayain ang tatlong bilanggong Pinoy ngunit mukhang dalawa lamang na may “lighter offense” ang posibleng bigyan ng clemency.
“Ang hiningi ng ating Pangulo ay pardon para sa tatlo pero depende kasi sa nature nu’ng offense of which they were convicted,” sinabi ni Bello sa mga mamamahayag dito.
“I was informed that out of the three, the possibility of pardon may be good for the two. I’m not at liberty to reveal who among the three,” dagdag niya.
Ayon kay Bello, wala siya sa posisyon para sabihin kung sino sa tatlong Pinoy ang palalayain ngunit ang “pardon is more probably for those convicted of a lighter offense.”
Una nang ipinahayag ni Philippine Ambassador to Qatar Alan Timbayan na pinagaan na ng korte ang sentensiya ng tatlong Pinoy ngunit umaasa ang Pangulo na tuluyang patatawarin ang mga ito nang bumisita roon ang Presidente.
(Genalyn Kabiling at Beth Camia)