ALAMINOS CITY, Pangasinan – Ilang sinibak na empleyado ng Tierra Del Norte Corporation ang itinuturing ngayong suspek sa pagpapasabog ng granadang inihagis sa establisimyento na nagdulot ng matinding pinsala sa Barangay Bolaney sa Alaminos City, Pangasinan.
Ayon sa pulisya, bandang 9:30 ng umaga nitong Biyernes nang iulat ni Roel Gapasen Campued, 51, katiwala ng Tierra Del Norte Fish Dealer, sa Alaminos City Police ang pagsabog sa establisimyento.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ng Alaminos City Police, natagpuan ang ilang fragments ng granada na pinaniniwalaang isang MK2 fragmentation hand grenade.
Ayon sa mga imbestigador, inaalam pa nila ang halaga ng pinsalang naidulot ng pagsabog, bagamat wala namang nasaktan sa insidente.
Natukoy sa imbestigasyon na sinabi ng ilang saksi na dalawang lalaking lulan sa Suzuki motorcycle ang namataang paikot-ikot sa lugar bago nangyari ang pagsabog.
Sinisilip ng Alaminos City Police ang alitan ng kumpanya at mga manggagawa nito sa insidente.
Nabatid na kasisibak lang ng kumpanya noong nakaraang linggo sa ilang empleyado nito, batay sa salaysay ni Campued.
Nagbigay naman ng pahayag sa pulisya ang anim na kataong nasa compound nang mangyari ang pagsabog, gayundin ang may-ari ng kumpanya na si Alex Soriano. (Liezle Basa Iñigo)