NAGPAPATULOY hanggang sa ngayon ang karahasang bumulabog sa maraming dako ng mundo sa nakalipas na mga taon. Isang pagluluksa ang Semana Santa ngayong taon, partikular para sa Egypt at sa mga Coptic Christian nito. Noong Linggo ng Palaspas, 49 ang namatay at mahigit isandaan ang nasugatan nang pasabugin ng mga miyembro ng Islamic State ang dalawang simbahan sa Alexandria at sa Tanta.
Kabilang ang mga Coptic Christian sa kauna-unahang mananampalatayang Kristiyano sa mundo, itinatag noong 42 AD ni John Mark na nagsulat ng Gospel of Mark sa Bagong Tipan ng Bibliya. Bagamat nahati ang mga Kristiyano sa East-West Schism noong 1054 at, makalipas ang anim na siglo, ay lubha pang nagkawatak-watak sa Reformation, nagsama-sama ang mga Coptic Christian, karamihan ay sa Egypt, ngunit matatagpuan din sila sa Libya, Sudan, at Australia.
Ang mga Coptic Christian sa Egypt ang pinakahuling nabiktima ng Islamic State, isang grupo ng mga terorista na aktibo ngayon sa Gitnang Silangan, kung saan nakubkob ng grupo ang malalawak na lugar sa Syria at Iraq. Naging inspirasyon ito sa mga pag-atakeng jihadist sa Amerika at sa Europa. Napaulat na nagpaplano rin itong magtatag ng regional base sa Mindanao, kung saan malinaw na mayroon itong mga tagasunod, kabilang ang mga kasapi ng Abu Sayyaf.
Sa harap ng lahat ng karahasang ito, narining natin ang panawagan ni Pope Francis sa mensahe niya para sa Semana Santa, umapela sila na pagtuunan ng pansin ng mundo ang pangangailangang magkaisa at tulungan ang mga nagdurusa sa iba’t ibang paraan sa daigdig sa ngayon— “from slave labor, from family tragedies, from diseases, from wars and terrorism, from interests that are armed and ready to strike; men and women who are cheated, violated in their dignity, discarded.”
Ipinagdiriwang ngayon ng mga Kristiyano ang Linggo ng Pagkabuhay, ang pagtatapos ng Kuwaresma. Nagsimula ang taunang paggunita noong Linggo ng Palaspas, naging taimtim ang okasyon nitong Huwebes Santo hanggang sa paggunita sa pagkakapako ni Kristo sa krus nitong Biyernes Santo. Ngunit hindi ito nagtatapos doon. Nagwawakas ang Semana Santa sa kaligayahan ng Pagkabuhay na Magmuli ngayong Linggo ng Pagkabuhay.
Nakikiisa tayo kay Pope Francis at sa lahat ng mabubuting kalalakihan at kababaihan sa pagdiriwang ng araw na ito ng pagtatagumpay laban sa karahasan at kamatayan, selebrasyon ng kabutihan ng puso, at ng kapayapaan. Maaaring magpatuloy pa ang digmaan sa Syria at Iraq, nariyan pa rin ang banta ng terorismo sa Amerika at Europa at nukleyar na armas naman sa East Asia, ngunit ang pag-asa ng kapayapaan ay nananatili sa kaibuturan ng ating mga puso.