ANG depinisyon o kahulugan ng Diyos na pinaniniwalaan ko ay PAG-IBIG. Hindi ito ang diyos na ang aral sa mga tagasunod ay “Ngipin sa Ngipin o “Mata sa Mata.” Ang Diyos na pinaniniwalaan ko ay namatay subalit muling nabuhay.

Siya ang Diyos na makapangyarihan na nagkatawang-tao sa katauhan ni Kristo ngunit hindi ginamit ang kapangyarihan sa pang-aapi.

Sa halip, siya ay nagpakumbaba, nagpasan ng krus, nagdusa at maging sa huling hibla ng buhay ay naging mapagpatawad sa mga salarin na nagpako sa Kanya sa krus sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa.

Ngayon ay Easter Sunday o Pasko ng Pagkabuhay. Kung hindi nabuhay si Kristo, magiging balewala ang lahat ng aral at katuruan ng Simbahang Katoliko. Balewala rin ang Pasko nang Siya’y isilang sa sabsaban, ipinagbunyi ng mga anghel sa kalangitan, sinamba ng mga pastol at dinakila ng Tatlong Mago (Hari).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung hindi muling bumangon mula sa libingan si Kristo at sinupil ang Kamatayan hindi Siya ang dakilang Diyos ng mga diyos. Samakatuwid, ang pagbangon Niya at paggapi sa kamatayan ay maliwanag na patunay na may kabilang-buhay at kaharian na nakalaan sa mga nilikha Niya sa mundong ito. Hindi ito ang wakas kapag ang isang tao ay pumanaw sa daigdig na ito.

Pagmumuni-muni: “Iwasan ang kapalaluan. Maging mapagpakumbaba. Maging payak (simple) at tanggalin sa ating puso at isip na higit tayong pinagpala kaysa iba.” Sabi ng isang Latin phrase: “Sic transit gloria mundi.” O sa wika ni Shakespeare ay: “Thus passes the glory of the world”. At “Worldly things are fleeting.” Sa lengguwahe ni Balagtas:

“Lumilipas ang luwalhati sa mundo.” O “Ang kaligayahan (kaluwalhatian) ay panandalian lamang.”

Si President Rodrigo Roa Duterte ang pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas. Si Sen. Leila de Lima ay nakakulong pa rin sa Camp Crame. Si ex-PO3 Arturo Lascañas ay lumabas sa bansa sa takot na patayin at sampahan ng mga kaso bunsod ng pagbubunyag sa Davao Death Squad (DDS) na sangkot umano si Mano Digong.

Pinaookupahan ni Pres. Rody sa Armed Forces of the Philippines ang siyam na reef at shoal sa Spratlys at iniutos na tayuan ng mga balangkas (structures). Pinalalagyan din niya ng mga bandilang Pilipino ang Pag-asa Island at iba pang isla na saklaw ng ating hurisdiksiyon. Ang Benham Rise na talagang atin ay pangangalanan niya ng Philippine Ridge upang tayo ang maglinang, magsaliksik at magtamasa sa yaman na taglay nito. Hindi na yata tutuloy sa WPS para magtirik ng bandilang Pilipino roon ang Pangulo. Kinausap daw siya ng China.

Binomba ng US forces ang isang airbase sa Syria na hinihinalang pinagmulan ng pagsasabog ng sarin gas na lumason at kumitil ng mga tao roon, kabilang ang mga bata. Sina US Pres. Donald Trump at Chinese Pres. Xi Jinping ay nag-usap sa isang summit sa Palm Beach, Florida tungkol sa higit na ugnayang ekonomikal at military cooperation.

Sana ay magkaroon ng kapayapaan sa mundo. Sana ay dinggin ang panalangin ni Pope Francis sa pagkakasundo ng mga bansa at iwasan ang digmaan. Sa Pilipinas, sana ang gobyerno at CPP-NPA-NDF, Moro Islamic Liberation Front, Moro National Liberation Front ay magtagumpay sa usapang-pangkapayapaan. At sana, ganap na mapulbos ang bandidong Abu Sayyaf Group.

(Bert de Guzman)