Arestado ang isang Chinese matapos nitong takbuhan at sugatan ang kanyang kaibigan na pinagkakautangan niya ng P700,000 na natalo niya sa casino sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Gong Ying Chi, 45, walang trabaho, ng Saint Louise Street, Admiral, Las Piñas City.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nangutang ng P700,000 si Chi sa kanyang kaibigan na si Jackson So, 30, negosyante, upang makapaglaro ng casino sa Parañaque City.

Gayunman, natalo si Chi at naubos ang perang kanyang inutang at sinisingil na siya ni So.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Nagpasama umano si Chi kay So sa kanyang bahay kung saan kukunin ang perang kanyang ipambabayad. Bandang 7:00 ng gabi, habang binabaybay nina Chi at So ang NAIA Road, pinababa ni Chi si So sa kanyang sasakyan. Hinabol ni So ang sasakyan ni Chi at nagkaroon ng habulan sa pagitan ng magkaibigan.

Tinulak umano ni Chi si So dahilan upang magkaroon siya sugat sa kaliwang siko.

Mabuti na lamang at nakita ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-9 ang nangyari at inaresto si Chi.

Sinabi ni Chi na nataranta siya dahil wala siyang pambayad kay So.

Gayunman, desidido si So na sampahan ng kaso ang kaibigan.

Kasalukuyang nakakulong si Chi sa Pasay City Police at nahaharap sa kasong physical injury. (Martin A. Sadongdong)