Arjo copy

NAIMBITAHAN si Arjo Atayde para mag-show sa Agusan del Norte bago nag-Holy Week at sa isang hotel sa Butuan City siya itsinek-in ng producers. Pero tumanggi ang mortal na kaaway ni Coco Martin sa FPJ’s Ang Probinsyano dahil mas pinili niyang bumiyahe ng tatlong oras patungong Nasipit, Agusan del Norte na hometown ng inang si Sylvia Sanchez.

Matagal nang gustong dalawin ni Arjo ang kanyang Lola Roselyn Campo na matagal na niyang hindi nakikita pero hindi niya magawa dahil abala siya sa tapings. Kaya laking tuwa ng aktor nang alukin siyang mag-show sa bayan ng Nasipit.

“Hindi ko nga alam na uuwi siya sa amin, akala ko hanggang Butuan lang siya,” kuwento ni Ibyang. “Nalaman ko na lang na nagpadiretso siya sa Nasipit paglapag nila ng airport.

Trending

Netizens naka-relate, napahugot sa 'Hindi na marami ang tubig ng instant noodles'

“Kaya kaagad, tumawag ako sa amin, sa mga kapatid ko na sabi ko, darating si Arjo, diyan daw niya gustong mag-stay kaya sabi ko, maghanda kayo ng pagkain may mga kasama siya.”

Mabuti na lang at tatlong oras ang biyahe kaya nakapaghanda kaagad ang mga kaanak ng aktres.

Tiningnan namin ang Facebook account ng personal assistant ni Arjo na si Digna Fermina Petinez at nalaman sa post na pagdating daw nila ni Arjo sa bahay nina Ibyang sa Nasipit ay niluluto pa ang lechon na paborito ng aktor. Kaya kahit antok na antok na ay hinintay ni Arjo na maluto ito.

“Hindi pa matulog si Joaquin kasi waiting pa siya ng lechon...#lechon#familybonding #mamarose #surprise #damingfans thanks ibyang pinasama mo ako ky arjo.nagkita ulit kmi mama rose #misseachother luv u...#puntanasipit,” post ni Digna.

Habang niluluto ang iba pang handa, kumalat na ang balitang dumalaw sa lola si Arjo kaya walang tigil ang dagsa ng mga kababayan ni Ibyang para magpa-picture.

Pagkatapos mananghalian, saka lang natulog ang aktor at nagising na marami pa ring taong nag-aabang sa kanya.

Finally, nakita rin ni Arjo ang mga kamag-anak at pinsan niya sa hindi nagisnang lolo na ama ni Ibyang.

“Nag-text nga, sabi as early as 8AM kinabukasan, ang daming taong dumating kaya nagulat sila, ang dami-daming tao raw sa bahay,” kuwento pa ng ina ni Arjo.

Mabuti na lang at malawak ang bakuran nina Ibyang sa Nasipit kaya keri nito ang maraming bisita.

Pawang pasasalamat naman ang nabasa naming post dahil sa wakas ay nakita na nila nang personal si Joaquin Tuazon na napapanood lang nila sa telebisyon.

Siyempre, ang pinakamaligaya sa pag-uwi ni Arjo ay ang ina ni Ibyang na si Mama Roselyn dahil muli niyang nayakap ang apo na matagal na niyang hindi nakikita.

Samantala, matagal pa ang tatakbuhin ng FPJ’s Ang Probinsyano kaya magtatagal pa ang kasamaan ni Joaquin kay Cardo Dalisay. (REGGEE BONOAN)