KAPANALIG, ngayong tag-init, marami sa atin ang pupunta sa naggagandahang beach sa Pilipinas. Marami na namang hahanga sa ganda ng ating kalikasan. Dadami rin kaya ang mga mag-aalaga sa ating kalikasan?
Ang mga beach natin ay tunay na kahanga-hanga. Marami ngang turista ang patuloy na nagbabakasyon sa ating bayan dahil sa ganda ng ating mga karagatan at baybayin. Kaya lamang, tunay ba nating na-a-appreciate ang ganda nito? Inaalagaan ba natin ang lahat ng ito?
Ayon sa report ng Ocean Conservatory, ang Pilipinas ay isa sa top polluters ng mga karagatan, kasama ang China, Indonesia, Thailand at Vietnam. Malaking krisis, kapanalig, ang pagdami ng plastic at iba pang polusyon sa karagatan.
Ayon sa Ocean Conservatory, pagsapit ng 2025, magkakaroon ng isang tonelada ng plastic kada tatlong tonelada ng isda.
Malaki ang implikasyon nito sa ating ekonomiya at sa kabuhayan ng mga mangingisda. Lason sa mga halaman at isda sa karagatan ang plastic. Pakaisipin natin, kapanalig, na marami tayong kababayang mangingisda. Malaki rin ang kita ng ekonomiya mula sa fish exports. Mababawasan ito dahil sa plastic.
Ayon nga sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), noong 2014, ikawalo ang ating bayan sa top fish producing countries sa buong mundo. Mayroon tayong kabuuang produksiyon na 4.7 million metric tons ng isda, crustaceans, mollusks, pati seaweeds at iba pang halamang pandagat. Nasa 2.4% ng total world production ay mula sa ating bayan.
Kung ang ating mga karagatan ay mapupuno ng plastic, mababawasan ang huli ng ating mga mangingisda. Maraming kabuhayan ang maaapektuhan. Ang fisheries sector ay may humigit kumulang na 1,614,368 fishing operators sa buong bansa. Malaking bahagi nito ay binubuo ng mga municipal fisheries sector na umabot sa mahigit 1.3 million ang mga operator. Malaking dagok sa kabuhayan nila ang basura sa dagat.
Ang pagdami rin ng plastic sa karagatan ay may implikasyon sa food security ng bansa. Ang mga isda ay isa sa pangunahing source o pinanggagalingan ng protein sa diet ng mga Pilipino. Kung liliit ang dami ng mga isda at dadami ang ating populasyon, magkukulang ang supply.
Ang Economic Justice for All ay may mahalagang gabay sa atin sa pangangalaga ng kalikasan: “Meeting human needs today and in the future demands an increased sense of stewardship and conservation from owners, managers, and regulators of all resources, especially those required for the production of food.”
Nagpapaalala rin sa atin ang Laudato Si na sana ay gumising na ang ilan sa atin at umaksiyon— tanungin natin ang ating mga sarili kung anong klaseng mundo ang iiwan natin sa ating mga kabataan. Kailangan natin makita na hindi lamang kalikasan ang nakataya rito, o ang ating buhay. Ang ating dignidad ang pangunahing nakataya sa nasisirang mundo.
Ang isyu ng kalikasan ay isyu rin ng kahulugan ng ating buhay.
Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)