Sa gitna ng matinding alinsangan ng panahon at upang samantalahin ang mahabang bakasyon, maraming pami-pamilya ang nagkasayahan at nagsilangoy nitong Biyernes Santo—ngunit 14 sa kanila ang nasawi sa pagkalunod sa Pangasinan, Batangas, Isabela at Cavite.

Tatlo sa mga biktima ay bata, habang walo naman ang nalunod sa matinding kalasingan, ayon sa report.

Sa Pangasinan, nalunod si Marjun Alnas, 26, residente ng Barangay Aringin, Moncada, Tarlac makaraang mag-dive habang lasing sa Agno River sa Bgy. Laoac, bayan ng Alcala.

Hindi na rin nakaahon sa Agno River sa bahagi ng Bgy. Domalandan East sa Lingayen si Louie Aviles, 34, construction worker at taga-Bgy. 1, matapos na tumawid sa ilog habang lasing.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa Lim-mingaleng River sa San Jacinto nalunod si Artemio Villegas, taga-Bgy. Sta. Cruz, na huling nakitang buhay habang nakikipag-inuman, samantalang sa swimming pool ng Resort Tavera sa Bgy. West Poblacion District I sa Pozorrubio nalunod si Oliver Abaoag, 7, Grade 1 pupil, at residente ng Bgy. Poblacion District II.

Tatlong pawang lasing din ang nalunod sa Isabela, ayon kay Supt. Manuel Bringas, hepe ng Provincial Investigation and Detective Management Branch ng Isabela Police Provincial Office.

Kinilala ang mga biktima na sina Glen Mey Dela Cruz, 19, taga-Bgy. San Fermin, Cauayan City, na nalunod sa Lalog River sa Luna; Anthony Amin, 30, ng Bgy. Rizaluna, Alicia, na nalunod sa Magat River sa Reina Mercedes; at Rodolfo Talamayan, 49, ng Bgy. Calaccab, Angadanan, na nalunod sa Cagayan River sa Angadanan, Isabela.

Sa Batangas, kumpirmado rin ang pagkalunod nitong Biyernes Santo nina Girlie Talag, 6; Piolo Pilapil, 17; Jasper Perlas, 26; at Freddie Fernandez, 39 anyos.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), natagpuan si Talag sa ilalim ng swimming pool ng Rosman Beach Resort sa Bgy. Nonong Casto sa Lemery.

Natangay ng malaking alon si Pilapil habang naglalangoy kasama ang mga kaibigan sa karagatang sakop ng Bgy. Bagong Silang sa Calatagan, samantalang lumutang sa pool ng Praxides Resort sa Bgy. Tiquiwan, Rosario si Perlas.

Sakay naman sa bangka si Fernandez, kasama ang mga nakainuman, nang tumalon siya sa lawang sakop ng Bgy. San Sebastian sa Balete nitong Biyernes ng hapon. Kahapon ng umaga na natagpuan ang kanyang bangkay sa Taal Lake.

Sa Quezon, kinilala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang mga nasawi sa pagkalunod na sina JV Kim De Asis Dimaaliohan, taga-Bgy. Isabang, Lucena City; at Roy Amparo Cabangon, ng Bgy. Biga sa Gumaca.

Nasa swimming party nitong Biyernes sa Tayabas City ang pamilya ni Dimaaliohan nang malingat sa kanya ang kanyang mga magulang hanggang makita na lamang siyang lumulutang.

Lumultang din nang natagpuan si Cabangon sa Malatandang Beach sa Bgy. Ilayang Kalilayan sa Unisan, makaraang makipag-inuman.

Isa namang 23-anyos na service crew ang nalunod nitong Biyernes Santo rin sa Garden de Dasmariñas Resort sa Bgy. Sabang.

Ayon kay SPO1 Reynald Afable, hindi pa malinaw kung paanong nalunod sa swimming pool si Noel Anthony Cinco Restuaro, taga-Guadalupe, Makati City. (May ulat ni Anthony Giron) (LIEZLE BASA IÑIGO, LYKA MANALO at DANNY ESTACIO)