NOT one, but two ang anak ni Robin Padilla na nagdadalantao sa ngayon, sina Kylie at Quennie, pawang daughter niya sa unang asawang si Liezl Sicangco na nakabase sa Australia.
Proud at excited ang Bad Boy of Philippine Cinema para sa kanyang dalawang anak na sooner ay bibiyayaan siya ng mga apo.
Mababakas sa pahayag ni Robin ang pananabik para sa panibagong karagdagang miyembro sa kanilang pamilya.
“Pareho silang buntis, si Kylie at Queenie, hindi ko na nga alam kung sino nauna sa kanila, eh, pero sa totoo lang blessing ‘yan. Isang bagay ‘yan na dapat ipagpasalamat sa Diyos at hindi iyan dapat itinatago,” sabi ni Binoe.
Masaya si Robin sa buhay may asawa ni Queenie. Ikinasal ang panganay nina Robin at Liezl kay Usama Mir, isang Pakistani, apat na taon na ang nakakaraan.
“Natutuwa ako para kay Queenie dahil parang magbarkada sila ng asawa niya. Kung magtapikan nga akala mo magbarkada.
Minsan nagugulat nga ako, eh, kawawa naman ‘yung anak ko kung matapik,” pabirong dugtong niya.
Kuwento ni Robin, sa ibang bansa man nakatira si Queenie, nananatiling bukas ang komunikasyon nila.
“Eh, kami naman ni Queenie natural na sa amin ‘yung usapang Salam, kaya everyday life namin nag-uusap kami niyan.
Siya kasi ‘yung pinaka-religious na nag-practice ng Islam na gawain sa lahat sa amin,” kuwento ng proud tatay.
Nandito lang sa Pilipinas si Kylie na madalas din niyang kausap, pero mas ikinatutuwa ni Robin na mas napalapit ito kay Mariel Rodriguez na maybahay niya ngayon. Kapapanganak lang din ni Mariel last November sa kanilang panganay na si Isabella.
“Si Kylie naman iba naman, marami siyang gawain na wala sa norm at ‘yung mga bagay na ‘yun hindi ko naman ikinagagalit ‘yun. Pero siyempre may mga bagay na dapat tinitingnan din natin, natutuwa naman ako dahil mas close sila ng Tita Mariel niya lalo ngayon na mas marami sila napapag-usapan dahil sa baby,” sey ng aktor.
Dahil magiging lolo na, may request si Robin lalo na kay Queenie.
“Dapat dito sa atin sa Pilipinas sila manganak, ‘yun lang ang pakiusap ko,” dagdag pang sabi ni Robin. (ADOR SALUTA)