TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong weekend na dudurugin nito ang Abu Sayyaf sa loob ng tatlong buwan. Tatlong buwan na ang nakalipas, inatasan ni Pangulong Duterte ang militar na pulbusin ang Abu Sayyaf sa loob ng anim na buwan. “We are confident that we will meet our targets and deadline,” sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.
Nitong Lunes, nagpapatrulya ang mga militiamen ng 4th Special Forces Company sa ilalim ng AFP Western Mindanao Command sa isang barangay sa bayan ng Sumisip sa Basilan, nasa katimugan ng Zamboanga peninsula sa Mindanao, nang atakehin ang mga ito ng Abu Sayyaf. Tatlo sa mga sundalo ang napatay. Dumating ang puwersa mula sa 1st Special Forces Company at sa sumunod na bakbakan, limang sundalo ang nasugatan.
Nang sumunod na araw, isa pang sagupaan sa Abu Sayyaf ang napaulat. Ang engkuwentro ay nangyari sa Bohol sa gitnang Visayas. Ayon sa pinag-isang ulat ng pulisya at militar, siyam ang nasawi sa bakbakan—limang Abu Sayyaf, tatlong sundalo, at isang pulis.
Ang lugar ng huling labanan ay ikinabahala ng gobyerno. Hindi lamang dahil napakalayo nito sa teritoryo ng Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu. Ito ay dahil sa Bohol idaraos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang apat na araw na ministerial meetings sa susunod na linggo, sa Abril 19-22.
Dahil sa insidente sa Bohol, pinayuhan ng United States Embassy ang mamamayan nito na iwasang magtungo sa Central Visayas, dahil nakatanggap ito ng mga ulat na posibleng magsagawa ng pagdukot ang mga teroristang grupo sa Bohol at Cebu. Nagpalabas din ng babala ang Canada sa mamamayan nito at pinayuhang umiwas sa pagbiyahe sa Sulu archipelago, sa katimugang Sulu Sea, at sa karagatan ng katimugang Palawan.
Matagal nang kumikilos ang Abu Sayyaf sa Mindanao, partikular sa Basilan at sa mga isla sa Sulu Sea. Nakilala ang grupo sa pamumugot sa mga dayuhan nitong bihag na bigong makabayad ng ransom. Kamakailan, naiugnay na ito sa mga terorista ng Islamic State sa Gitnang Silangan na napaulat na puntiryang magtatag ng regional base sa Mindanao.
Buong sigasig na nagsisikap ang Sandatahang Lakas upang makatupad sa anim na buwang palugit na itinakda ni Pangulong Duterte. Inaasahan nating magtatagumpay sila sa pagbibigay-tuldok sa banta sa kapayapaan at kaayusan sa Mindanao na ilang beses nang kinondena ng daigdig dahil sa mga dayuhang nabibiktima nito.
Sa ngayon, mahalagang matiyak ang seguridad sa pulong ng mga ASEAN minister sa Bohol sa mga susunod na araw. Ang mga dayuhang opisyal na bibisita ang mga nanaising dukutin at bihagin ng Abu Sayyaf.