WASHINGTON (Reuters) – Nagbagsak ang United States ng pinakamalaking non-nuclear device nito sa magkakatabing kuweba at tunnel na ginagamit ng Islamic State sa silangan ng Afghanistan nitong Huwebes, ayon sa militar.
Ang 9,797 kilo na GBU-43 bomb, na may 11 toneladang pampasabog, ay ibinagsak mula sa MC-130 aircraft sa Achin district ng Nangarhar province, malapit sa hangganan ng Pakistan, sinabi ni Pentagon spokesman Adam Stump.
Ang GBU-43, kilala bilang “mother of all bombs,” ay isang GPS-guided munition at unang sinubukan noong Marso 2003. Itinuturing itong epektibo laban sa magkakatabing target sa ilalim ng lupa. Ito ang unang pagkakataon na gumamit ang U.S. ng ganito kalaking conventional bomb sa labanan.
Inilarawan ni President Donald Trump ang pambobomba na “very successful mission.”
Ayon sa lokal na media, 36 na pinaghihinalaang miyembro ng IS ang nasawi sa pagbagsak ng bomba.
Nangyari ang pag-atake kasabay ng pagpapadala ni Trump ng kanyang unang high-level delegation sa Kabul, sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa kanyang mga plano para sa halos 9,000 tropang Amerikano na nakadestino sa Afghanistan.