Libu-libong Katoliko ang nakiisa sa ‘Penitential Walk for Life’ sa Biyernes Santo bilang paggunita sa pagpapakasakit, pagdurusa, at kamatayan ni Hesukristo.

Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at ng Council of the Laity of the Philippines ang paglalakad na nagsimula 4:30 ng madaling araw, sa Baclaran at nagtapos 9:00 ng umaga, sa Manila Cathedral sa Intramuros, Manila.

“Life is offering the self for others. That is the kind of culture that we will use to counter the culture of death. We cannot remain mere spectators and then complain,” sabi ni Tagle sa imbitasyon niya sa mga deboto na sumali sa prusisyon.

Nagdasal ang mga deboto sa 14 na istasyon ng krus, na itinayo sa kahabaan ng Roxas Boulevard patungong Intramuros, Maynila.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon sa mga organizer, ang Penitential Walk for Life ngayong taon ay nagsisilbing kampanya para tutulan ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga at planong pagbuhay sa parusang bitay sa bansa.

Sa 3rd Station, kung saan nadapa si Hesus sa unang pagkakataon, inialay ang panalangin para sa mga mambabatas upang isantabi nila ang panukalang buhayin ang death penalty. Ang 11th Station kung saan ipinako sa krus si Kristo, ay inialay sa mga nalululong sa ipinagbabawal na gamot.

Ang panalangin para sa 13th Station, kung saan ibinaba sa krus sa Kristo, ay inialay sa mga biktima ng extrajudicial killings at mga may kagagawan nito.

Sa panalangin sa huling istasyon sa harapan ng Manila Cathedral, hinimok ni Tagle ang mga tao na huwag maging tagamasid lamang at sa halip ay kumilos kahit sa maliit na paraan upang palakasin at palaganapin ang kultura ng pag-ibig, malasakit, pagdadamayan, at paggalang na siyang nagtataguyod ng buhay.

“Pinatay si Hesus. Ang nakakalungkot na ang mga uri ng pagpatay na naranasan niya ay patuloy pa rin. Subalit ang mabuting balita, may katarungan ang Diyos, bubuhayin ng Diyos ang pinatay ng kasalanan at ng mundo,” anang Cardinal. - Mary Ann Santiago at Leslie Ann G. Aquino