Ni VANNE ELLAINE P. TERRAZOLA
Apatnapu’t walong porsiyento o halos kalahati ng mga adult na Pilipino ang determinadong makibahagi sa mga gawaing simbahan linggu-linggo, ayon sa first quarter survey ng Social Weather Stations (SWS) tungkol sa mga regular na nagsisimba ngayong taon.
Gayunman, batay sa SWS survey na isinagawa nitong Marso 25-28 sa 1,200 adult at inilabas ngayong Semana Santa, mas kakaunting Katoliko ang regular na nagsisimba linggu-linggo.
Bagamat 48 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabing regular silang nakikibahagi sa mga gawaing simbahan, nasa 41 porsiyento lamang ng mga Katoliko ang regular na nagsisimba.
Ayon sa SWS, pinakamalaking bilang ng regular na dumadalo sa mga gawaing simbahan ang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa 90%, kasunod ang mga Muslim sa 81%, at ang mga Kristiyano sa 71%.
Ang pagkaunti ng mga nagsisimbang Katoliko ay pinatunayan pa sa pag-amin ng 39% sa kanila na isang buwan sa isang beses na lamang sila nagsisimba, nanguna sa 34% ng mga Pilipino na buwanan na lamang nakikibahagi sa mga gawaing simbahan. Sinundan ito ng iba pang mga Kristiyano na nasa 18%, mga Muslim sa siyam na porsiyento, at apat na porsiyento ng mga kasapi ng INC.
Sa 17% na bibihirang dumalo sa mga aktibidad ng kanilang relihiyon, nangunguna ang mga Katoliko sa 20%, kasunod ang mga Muslim at iba pang Kristiyano sa 10%, at INC sa anim na porsiyento.
NAGSISIMBA, PAKAUNTI NANG PAKAUNTI
Sa 74 na survey na isinagawa ng SWS sa pagdalo sa gawaing simbahan simula 1991 hanggang 2017, laging pinakamababa sa lingguhang pagsamba ang mga Katoliko.
Ang pinakamataas na naitalang average weekly church attendance sa mga Katolikong Pinoy ay 64% noong 1991, ang taong pinakamataas din ang regular attendance sa 66%.
“The 23-point decline in Catholics’ weekly church attendance from 1991 to 2017 is highly significant, statistically speaking,” ayon sa SWS.