NANANAWAGAN ang Department of Environment and Natural Resources sa Western Visayas sa publiko na maging “waste conscious” ngayong Mahal na Araw.
Inihayag ni Department of Environment and Natural Resources-Region 6 Director Jim O. Sampulna na sa mga panahong ito ay nagtutungo ang ibang tao sa mga banal na lugar upang tahimik na magnilay-nilay at magdasal habang ang iba ay nais na magtungo sa mga resort at dalampasigan.
Ngunit anumang aktibidad ang gagawin ngayong Mahal na Araw, binigyang-diin ni Sampulna na dapat maging maingat pa rin ang lahat sa pagpapanatiling maayos at malinis ang kapaligiran habang nag-e-enjoy sa ganda ng kalikasan.
“Let us all try to be mindful of our surroundings and let us make it a goal to manage our wastes,” aniya.
Sinabi ni Sampulna na dapat iwasang magkalat ng mga tao na magtutungo sa mga simbahan, dalampasigan, at picnic area.
Ipinaliwanag niya na may mga taong nagtatapon ng basura sa kahit saang lugar sa dalampasigan, tulad ng mga plastic cup, paper plate, at mga balat ng pagkain.
Inaabisuhan ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa pagtatapon ng mga basura sa basurahan upang makatulong sila sa pagpapanatiling malinis ang kapaligiran.
Pinaalalahanan din ni Sampulna ang mga taong nagpaplano na umakyat ng bundok na mas maging maingat sa paninigarilyo at pagluluto sa loob ng madadamo at matatalahib na lugar upang maiwasan ang sunog.
Sa inaasahang paglalaan ng mga lokal at dayuhang turista ng kanilang summer vacation sa mga tourist site sa rehiyon, binanggit ni Sampulna na kasalukuyang hinihimok ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez ang publiko na ipatupad ang “green summer.”
Aniya, hinihimok ang mga bisita, partikular ang mga turista na tangkilikin ang mga produkto na ginagawa ng mga lokal na komunidad na binibisita nila.
Sinabi niya na ang pagtangkilik sa mga lokal na produkto ng komunidad ay makahihimok sa mga residente na ilabas ang kanilang pagiging malikhain at makilahok sa sustainable production ng kanilang mga lokal na produkto. - PNA