Ni Airamae A. Guerrero
Snatcher. Akyat-bahay. Adik. Tulak.
Ito ang buhay na kinamulatan at kinalakihan ni Marvin Santos, 37, kaya naman napasama siya sa mga taong labas-pasok sa kulungan.
Dahil sa impluwensiya ng mga kaibigan, naging holdaper at nalulong sa masamang bisyo at ilegal na droga si Marvin.
“Ang mahalaga sa amin noon magawa namin ang gusto namin. Wala kaming pinipili, bata man, matanda o estudyante,” kuwento ni Marvin. “Naging drug dealer ako sa kulungan hanggang sa nakilala ako sa amin na nagtutulak ng droga.”
Hindi na rin niya mabilang kung ilang beses siyang naglabas-pasok sa bilangguan. Mahigit isang taon siyang nakulong noong 2009 sa kasong robbery in band at sa kanyang paglaya noong 2010, hindi naging madali ang lahat.
Naging mahirap para sa kanya ang magsimulang muli. “Naging kaliwa’t kanan ang utang ko noon. Sa ibinibigay ng nanay ko noon halos walang natitira.”
Sa sunud-sunod na dagok sa buhay na hinarao ni Marvin, dumating ang panahon na gusto na niyang tuluyang magbago.
“Hindi ko alam na may Diyos palang nakikinig noong mga oras na ‘yon,” paglalahad niya.
Isang kamag-anak ni Marvin ang nag-imbita sa kanya na dumalo sa Sunday service. Wala siyang kamalay-malay na ito pala ang magiging daan para makilala niya ang Diyos at talikuran ang lahat ng kanyang mga nagawang pagkakamali.
“2011 nag-encounter (retreat) ako. Ito ang isa sa pinakamahalagang araw ng buhay ko, sapagkat doon ko tinanggap si Hesus sa aking buhay. Noong araw na iyon tuluyan kong kinalimutan ang luma kong buhay at dati kong ginagawa.”
Naging kapansin-pansin ang pagbabago kay Marvin kaya tinulungan siya ng kanyang kapatid na makapagsimula ng sariling negosyo, hanggang sa tuluyan siyang nakalaya sa kanyang mga utang.
Nakapagtapos din siya ng pag-aaral sa kursong computer technology.
“Ipinakita ng Panginoon na hindi siya nagkulang noong mga panahon na nagsisimula akong magbago,” sabi ni Marvin.
At ang tangi niyang payo sa mga taong tulad niya: “Hindi pa huli ang lahat para magsimula. Ilang beses ka mang madapa, ang mahalaga marunong kang tumayo at lumaban. At kung may nais ka sa buhay mo, lagi mong tandaan na may Diyos na nakikinig sa ‘yo.”