Isang college scholarship program ang iniaalok ng Government Service Insurance System (GSIS) sa mga anak o dependent ng persons with disabilities (PWD), indigenous peoples (IP), at solo o single parent na mga aktibong miyembro o pensioner nito.
Inihayag ng GSIS na tumatanggap na sila ngayon ng mga aplikasyon para sa pinalawak na GSIS Scholarship Program (GSP) para sa Academic Year 2017-2018. Ngayong 2017, 400 scholarship slot ang iniaalok ng GSIS. Ang huling araw sa pagsusumite ng application ay sa Hunyo 9, 2017.
Ang GSP scholar ay may karapatan sa tuition at miscellaneous fee na hindi lalagpas sa P40,000 bawat academic year at buwanang allowance na P3,000. Bibigyan din ng cash incentive na P20, 000, P30,000, at P50,000 ang mga scholar na magtatapos na may Latin honors na cum laude, magna cum laude, at summa cum laude, ayon sa pagkakasunod. - Merlina Hernando-Malipot