KUNG ang iba, tulad ni Sen. Antonio Trillanes ang nakikita sa mahihirap ay komunista, kay Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, si Panginoong Hesus. Hinimok niya ang mga mananampalataya na samantalahin ang Semana Santa upang mas makilala si Hesus. Ang pagtanggap sa tunay na Hesus ay nangangahulugan ng pagtanggap ng Kanyang presensiya sa pamamagitan ng mga dukha, iniinsulto at inaapi sa lipunan ngunit nanatiling may dangal.

Sa aklat ni Bishop Labayen, puno ito ng karanasan ng tao na bahagi ng kasaysayan. May bahagi ang nasabing aklat tungkol sa kalupitan ng German dictator na si Hitler. Galit si Hitler sa lahi ng mga hudyo dahil sa kanya, masama ito na hindi dapat kumalat sa hangarin niyang malupig ang daigdig at siya ang maghari. Ayon sa kanya, tuso ang lahing ito. Kaya, sa layunin niyang lipulin ito, maramihan niyang pinapatay ang mga hudyo sa iba’t ibang paraan tulad ng paggamit ng poisonous gas, pag-ipon sa kanila sa isang lugar at ratratin, o kaya, ilagay sila sa mga concentration camp at isa-isang pinapatay.

Sa isang concentration camp, nakasaad sa aklat, kung saan dinala ng mga sundalo ni Hitler ang maraming hudyo, bawat araw ay may binibitay sa kanila sa pamamagitan ng pagbigti. Isang araw, aniya, dalawang hudyo ang itinakdang bitayin, isa ay matanda na at ang isa naman ay bata pa. Sabay silang binigti na nasaksihan ng lahat ng mga nasa concentration camp, partikular na ang mga binihag na hudyo. Dahil matanda na ang isa at mahina na ang katawan, dagli itong namatay na hindi na kinakitaan ng paglaban. Pero, iyong bata na malakas ang katawan, bago ito nawalan ng hininga ay pumalag nang pumalag. Nag-iiyak at nagtitili ang mga kapwa nitong hudyo na nakasaksi sa kaawa-awa niyang kalagayan. May isang pasigaw na nagtanong ng paulit-ulit: “Nasaan ang Diyos?” May sumagot sa kanya: “Ang Diyos ay nasa dalawang iyon” sabay turo sa dalawang binigti.

Ang winika ng tao bilang tugon sa nagtanong kung nasaan ang Diyos ay siyang pinakabuod ng Sermon ni Archbishop Cardinal Tagle. Nasa mga dukha at inaapi si Hesus. Ang Diyos ay nasa mga biktima ng kalupitan ng kapwa niya. Marami na ang mga ito na nangamatay sa kamay ng mga taong walang kinikilalang batas at katarungan. Sa kanila, ang kapangyarihan at armas na taglay nila at ang alam nila ukol sa taong pinapatay at pinagmamalupitan nila ay ang batas at katarungan. Pero, kilala man o hindi ang mga salarin dahil itinatago nila ang kanilang mga sarili sa pagsusuot ng maskara at bonnet, hindi sila makaiiwas na managot sa batas at katarungan ng Panginoong Diyos. (Ric Valmonte)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika