COTABATO CITY – Anim na tauhan ng Philippine Army ang nasugatan sa engkuwentro sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at kasunod nito ay nadiskubre nila ang hinihinalang pagawaan ng baril ng grupo sa Maguindanao kahapon.

Sinabi ni Maj. Gen. Arnel dela Vega, commander ng 6th Infantry Division ng Army, na nangyari ang sagupaan bandang 7:30 ng umaga sa Sitio Pinaginuman, Barangay Elian sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao.

“Our troops were to help the police in serving warrants of arrest against some individuals when they were fired at by the BIFF,” sinabi ni Dela Vega sa mga mamamahayag.

Anim na sundalo ang bahagyang nasugatan sa 15-minutong bakbakan sa mga miyembro ng BIFF, na nagsitakas din kalaunan.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Matapos ang sagupaan, ayon kay Dela Vega, natagpuan ng mga sundalo ang isang barung-barong, na ginagamit umano ng BIFF sa paggawa ng mga bomba at baril.

Nasamsam mula sa barung-barong ang mga gamit sa pagmolde ng bakal, mga bala, electrical wirings, at iba pang parte ng baril, aniya.

Sa isang panayam sa lokal na himpilan ng radyo sa Cotabato City, kinumpirma ni Abu Misri Mama nitong Miyerkules ang engkuwentro sa pagitan ng BIFF at ng Army, ngunit itinangging pagawaan ng baril ng grupo ang nasabing barung-barong.

Sinabi ni Capt. Arvin John Encinas, tagapagsalita ng 6th ID, na ang nakasagupa nilang grupo ng BIFF ay pinamunuan ng magkapatid na Saga Indong at Monib Indong.

Ayon naman kay Lt. Col. Warlito Limet, commander ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, nagpatuloy ang labanan hanggang Miyerkules ng gabi hanggang sa makaengkuwentro ng militar ang isa pang grupo ng BIFF, na pinamunuan naman ng isang Ustadz Boy Roman, sa Bgy. Elian, Ampatuan.

Hindi naman masabi ng mga opisyal ng Army kung may nasugatan o nasawi sa panig ng BIFF. (ALI G. MACABALANG)