COTABATO CITY – Tinangkang patayin ng isang ama ang dalawa niyang anak sa paniniwalang wala siyang kakayahang mapakain ang mga ito matapos silang iwan ng kanyang asawa nitong Huwebes Santo.
Sa report na ipinaskil ng isang online news network sa Cotabato City, sinabi ni Chief Insp. Rey Egos, hepe ng Tupi Police, na alipin ng depresyon si John Fritz Escalada, 44, ng Barangay Polonoling, Tupi, South Cotabato, makaraan iwan ito ng asawa at ang dalawa nilang anak.
Ayon kay Egos, hinostage ni Escalada ang dalawang niyang anak, isang babae at isang lalaki, sa loob ng kanilang bahay bandang 6:00 ng umaga hanggang tagain niya sa tuhod at braso ang anak niyang babae.
Gayunman, nakatakbo ang batang babae para humingi ng saklolo sa mga kapitbahay, na nag-report naman sa pulisya, ayon kay Egos.
Makalipas ang ilang minuto, hinatak naman ni Escalada ang kanyang anim na taong gulang na bunso at anim na beses itong sinaksak, batay sa salaysay ng mga saksi sa pulisya.
Nanawagan naman ang mga pulis, kasama si Tupi Mayor Reynaldo Tamayo, Jr., kay Escalada na palayain na ang kanyang anak at sumuko sa pulisya.
Gayunman, tumanggi ang suspek kaya napilitan ang mga pulis na pasukin siya sa bahay at posasan siya, ayon kay Egos.
Isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang magkapatid, habang ikinulong naman ang suspek, na kakasuhan ng frustrated parricide. (Ali G. Macabalang)