Sinabi ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na hanggang kahapon ay wala itong namo-monitor na anumang banta ng terorismo na maaaring makaapekto sa mga aktibidad sa paggunita ng Semana Santa sa Metro Manila.
Ito ang sinabi ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde makaraang magsagawa ang kanyang grupo ng bike patrol sa Kamaynilaan na nagsimula bandang 9:00 ng umaga kahapon.
Bumisita siya sa Araneta-Cubao Bus Terminal bago nilibot ang iba pang mga bus terminal sa southbound lane ng EDSA.
“With regards to threat, right now we have not seen any clear or present danger or any terror act. All threat groups are being monitored by intelligence operatives coming from the Armed Forces of the Philippines (AFP) and Philippine National Police (PNP),” sabi ni Albayalde.
12,500 PULIS IPINAKALAT
Gayunman, sinabi ni Albayalde na nagpakalat ang NCRPO ng 12,500 unipormadong pulis sa mga pantalan, paliparan, bus terminal at maging sa mga simbahan.
Ang paghihigpit sa seguridad ay kasunod ng pagpasok ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Bohol na matagumpay namang napigilan ng militar at pulisya sa paghahasik ng kaguluhan isang linggo bago ganapin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meetings sa lalawigan.
Sumiklab ang bakbakan at anim na terorista ang nasawi, bagamat tatlong sundalo at isang pulis ang nagbuwis ng buhay.
16 SA SAYYAF SUMUKO
Kabilang sa mga nasawi ang ASG leader na si Muammar Askali, alyas “Abu Rhami”, na ayon sa militar ay malaking dagok sa grupong terorista bilang isa sa mga aktibong opisyal nito.
Sinabi rin kahapon ng Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) na nasa 16 na miyembro ng ASG, kabilang ang ilang sub-leader, ang sumuko sa militar sa Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi simula noong Enero ng kasalukuyang taon.
LIGTAS ANG MGA TURISTA
Samantala, sa kabila ng mga travel advisory na inilabas ng Amerika, Australia, Canada at United Kingdom laban sa Central Visayas at Mindanao bunsod ng matinding takot sa terorismo, tiniyak ng Department of Tourism (DoT) sa mga lokal at dayuhang turista na may sapat na kakayahan ang security forces ng bansa upang magbigay ng seguridad sa publiko.
Sa pahayag ng DoT, sinabi ni Czarina Zara-Loyola, media director, na kontrolado ng militar at ng pulisya ang sitwasyon sa Central Visayas.
“Proper authorities have assured that both international and domestic travelers may continue with their travel plans, even as we remind all stakeholders of usual safety precautions that must be routinely observed at all destinations,” saad sa pahayag ng DoT. (Bella Gamotea, Nonoy Lacson at Mary Ann Santiago)