COTABATO CITY – Napatay ang kapatid ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) 1st Vice Chairman Ghazali Jaafar makaraang makipagbarilan sa mga pulis na naghain ng arrest warrant sa Sultan Kudarat, Maguindanao laban sa ilang sangkot sa pagnanakaw, kidnapping at iba pang high-profile cases.

Sinabi nitong Miyerkules ni Senior Supt. Agustin Tello, Maguindanao Police Provincial Office director, na napilitan ang mga pulis na aaresto sana sa isang Mohaimen Abo, at sa iba pang suspek, na barilin si Abo nang manlaban ito.

Si Abo, kilala rin bilang Kumander Falcon at Ustadz Mohaimen, ay nakababatang kapatid ni Jaafar, Salih Abo ang tunay na pangalan at incumbent vice chairman ng MILF na itinalaga kamakailan para pamunuan ang Bangsamoro Transition Commission (BTC).

Binubuo ng mga kinatawan ng MILF, Moro National Liberation Front at gobyerno, kinukumpleto ngayon ng BTC ang panukalang kinakailangan upang mapalitan ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ng isang mas makapangyarihang Bangsamoro entity.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sinabi ni Tello na wanted si Abo sa mga kaso ng kidnapping with homicide, kidnapping for ransom, murder at frustrated murder na kinakaharap nito sa iba’t ibang korte sa Midsayap, North Cotabato at Surallah, South Cotabato.

Inaresto naman ang kasamahan ni Abo na si Guinaid Galmak Magulaing, na napaulat na armado ng .45 caliber pistol.

Kinumpirma ng mga kaanak na si Abo ay opisyal na miyembro ng MILF. (Ali G. Macabalang)