NAKAMIT ni National rider George Oconer ang unang multi stage race title pagkaraang maghari sa katatapos na Sri Lanka T-Cup.

Bagamat isang non-UCI event, mabigat din ang mga nakatunggali ng 25-anyos na SEAG bound rider dahil ilan sa mga tinalo niya ay mga beterano ng mga UCI races gaya nina CNN riders Samuel Volkers ng Australia, Hari Fitrianto ng Indonesia at Lexington Nederlof ng Netherlands gayundin ang ilang miyembro ng national team ng Singapore at Malaysia.

Laking pasasalamat ni Oconer, anak ng dating Olympian at kasalukuyang national coach na si Norberto Oconer, sa kanyang mga teammates at sa tagapagtaguyod nilang Go-For-Gold sa pagtulong at pagsuportang ginawa sa kanya.

Umaasa rin si Oconer na makakatulong ito ng malaki para sa pinapangarap niyang gold medal sa SEA Games.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi naman ikinagulat ng kanyang ama ang panalo dahil batid nitong magbubunga din ang pagsisikap at pagtitiyaga ng kanyang anak.

“Focus naman siya sa ginagawa niya at lagi kong sinasabi sa kanya gayahin niya si dating national at Sea Games gold medalist Mark John Lexer Galedo sa dedikasyon at sipag mag-ensayo.

Bukod kay Oconer, nagwagi rin sa tatlong araw na torneo bilang King of the Mountain ang isa pang national rider na si Ryan Cayubit.

Ang iba pang miyembro ng koponan na itinataguyod ni G. Jeremy Go ng Go-for-Gold ay sina Elmer Navarro, Ronel Hualda at Jerry Aquino Jr.

Matapos ang karera sa Sri Lanka ay magtutungo ang team sa Indonesia para lumahok sa Jakarta Criterium ayon sa team director na si Ednalyn Hualda. (Marivic Awitan)