Sa gitna ng panahon ng Kuwaresma, patuloy sa kanilang operasyon ang mga kriminal makaraang patayin ang isang hinihinalang magnanakaw ng limang suspek na pawang nakasuot ng bonnet sa Pasay City kahapon, Huwebes Santo.
Limang tama ng bala sa katawan ang ikinamatay ni Dondon Caisip, 29, ng Barrio Pilipino, Pioneer Ext., Barangay 187.
Base sa imbestigasyon, dakong 2:27 ng madaling araw, bumibili si Caisip ng energy drink sa isang isang tindahan sa Guyabano Street, Bgy. 148 nang barilin siya mula sa likod ng isa sa mga suspek.
Hindi naman nadamay ang may-ari ng tindahan na si “Ber” at inilarawan ang armado na 5’4” ang taas, payat, nakasuot ng bonnet at maong na pantaloon at asul na jacket.
Bukod diyan, ang apat pang suspek na pawang nakasuot ng bonnet ngunit hindi masyado nakita ni Ber ang kani-kanilang mukha dahil sila ay malayong nakatayo mula sa pinangyarihan.
Ayon pa kay Ber, matapos isagawa ang insidente ay naglakad lamang ang gunman papunta sa kanyang mga kasabwat na nagsilbing mga lookout.
Isiniwalat ni Senior Police Officer 1 Rodolfo Suquiña, night-shift case investigator, na si Caisip ay isinasangkot ng kanyang mga kapitbahay sa mga insidente ng “akyat-bahay.”
Minsan na ring nakulong si Caisip sa Pasay at Parañaque city jail at may nakabimbin na warrant of arrest sa Pasay City para sa kasong pagnanakaw.
Nakuha ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang limang empty shell ng caliber .45 pistol sa harap ng tindahan ni Ber. (Martin A. Sadongdong)