DARWIN AT LOTLOT copy

SI Lotlot de Leon ang tinanghal na Best Actress (Sole Acting Citation) sa All Lights India International Film Festival sa Hyderabad, India para sa performance niya sa indie film na 1st Sem noong nakaraang Setyembre.

Bukod dito, tinanghal ding Best Feature Film ang nasabing pelikula.

Sa Abril 24, muling lilipad si Lotlot kasama ang dalawang direktor niyang sina Allan Michael Ibañez at Dexter Paglinawan Hemedez patungong Houston, Texas para sa The 50th Annual WorldFest-Houston International Film Festival.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ang nasabing filmfest ang oldest independent film festival sa buong mundo bukod pa sa oldest indie international film festival sa North America, pagkatapos ng San Francisco at New York.

Napanood na ng entertainment press ang 1st Sem nitong nakaraang Martes at maraming nagandahan sa pelikula at pati na sa mga baguhang sina Darwin Yu, Miguel Bagtas, Sebastian Vargas na nakasama nina Lotlot at Allan Paule.

Sa Q & A pagkatapos ng screening, natanong si Lotlot kung ilang porsiyento sa ginampanan niyang papel bilang ina sa pelikula ang inilagay niya bilang tunay na ina, lalo na sa monologue na idinadaing niya kung saan siya nagkamali dahil lumaking pasaway ang kanyang dalawang nakatatandang anak. Nakakadala ang hinagpis niya nang banggitin na sana ay buhay pa ang kanyang asawa dahil hindi niya kayang palakihing mag-isa ang kanilang mga anak.

Malumanay na inamin ni Lotlot na kabaligtaran ng kanyang tunay na buhay ang role niya bilang Mama Precy. Unang-una, biyuda na character niya gayong buhay naman ang kanyang dating asawang si Monching Gutierrez bagamat ilang taon na silang hiwalay, kaya technically, single parent din siya ng mga anak nila.

“’Yung eksena po sa mesa na mag-isa ako sa monologue, naiiyak po ako kapag naaalala ko kasi dumating din sa punto ng buhay ko na naramdaman ko na parang mag-isa lang po ako, na wala akong kakampi at hindi ko alam kung tama o mali ang ginagawa ko bilang isang magulang o bilang kapatid na nagpapalaki ng mga kapatid.

“So I went thru that struggle for that scene is really very memorable to me po, hindi ko makakalimutan.

“’Yung eksenang hindi ako nakikinig sa mga anak ko, malayo sa personal na buhay, kaya nga napagod ako rito kasi puro ako sigaw.

“I would make it a point na inuupo ko lahat ang mga bata para if they have something to say, marinig ko isa-isa kung may opinyon sila, because I’ve been always honest to my kids. So, hindi, malayung-malayo,” pahayag ng aktres.

Ipinagmamalaki ni Lotlot na never siyang nahirapang palakihin ang mga anak niya kahit na single mom siya.

“Sa mga anak ko, hindi ako nahirapan, nahirapan ako sa mga kapatid ko. To be honest, kasi, sa mga anak ko, alam ko na anak ko sila. Mahirap magpalaki ng kapatid kasi hindi nila ako magulang.

“So, mahirap ‘yun, hindi ko alam kung tama ba ‘yung ginagawa ko na pangaral sa kanila kasi lahat ng klase ng usap minsan inaabot ko, may umiiyak, may nakikiusap, may tumatawa, pero sometimes, it doesn’t work. So nagtataka ako, bakit sa mga anak ko, nagwo-work, pero sa mga kapatid ko, hindi.

“’Yun ang isa sa mga nangyari sa buhay ko na doon ako nahirapan. Pero ngayon, okay na kaming magkakapatid. Siyempre ‘yung growing up years nila, it was a struggle, I guess not only me, but also for them.

“Kasi lagi kong sinasabi sa kanila, ‘guys, kapatid n’yo ako, hindi n’yo ako nanay, but I’m trying my best.’ But thank God, now they’re all okay. Matet (de Leon) is happily married (kay Mickey Estrada). Ian (de Leon) is happily married (kay Jennifer Orcine). Nakahanap na ng trabaho ‘yung dalawa kong kapatid, sina Kiko at Ken but it was a struggle.

Before it got to that point we had to go through all those struggles in life together,” detalyadong kuwento ng aktres.

Sa Diyos kumakapit si Lotlot, lalo na noong mga panahong magkasabay niyang pinapalaki ang mga anak niya at ang mga kapatid niyang ampon ni Nora Aunor na naiwan sa pangangalaga niya.

“Dasal lang talaga, I had no one else to hold on to but God. Talagang iyon lang, na sana isang araw gumising kami na okay silang lahat, na kung anuman ‘yung pinagdadaanan nilang personal sa buhay nila, eh, magkaroon ng solusyon.

“Kagaya ni Darwin (Maru) sa pelikula, eh, nagkaroon din ng solusyon (dahil nakabuntis sa kuwento ng pelikula),” sabi pa ng aktres.

Naikuwento rin ni Lot nagawa rin ni Kiko noon ang isang eksena sa pelikula nila na sa bintana pumasok si Darwin dahil napagsaraduhan ng pinto.

“Oo, nagawa ni Kiko, hindi naman siguro magagalit si Kiko kung I’m sharing this, but it happened. Sabi ko, paano nakauwi (nakapasok ng bahay)? Eh, di dumaan sa bintana. Those things, we went through, I went through with my siblings. But okay na, thank God,” nakangiting kuwento ng aktres.

Kinumusta rin ng press ang relasyon ngayon nina Lotlot at Nora.

“Alam n’yo naman ang sitwasyon namin ng mommy ko, let’s leave it at that,” mahusay na sagot ng aktres. “Minsan may mga bagay na gusto mong i-explain, there are no words or enough words to express about certain things. May mga bagay... leave it that moment and hopefully, maging okay siya someday.”

Samantala, maganda ang pagkakadirehe sa 1st Sem, malinaw at maayos ang pagkasulat mula sa dialogues hanggang sa buong storyline. Maganda ang kamerang ginamit at gustung-gusto namin ang musical scoring dahil millennial. Nagustuhan din namin ang animation sa umpisa ng pelikula.

Binabati namin sina Direk Allan Michael at Direk Dexter for a job well done. Writers sila ng mga teleserye sa ABS-CBN kaya nahasa sila sa malinaw at hindi magulong istorya.

Baguhan at medyo kinakapos pa ang delivery pero maayos namang nakaarte sa kabuuan ang mga baguhang aktor. Pero kailangan pa ring sumabak sa acting workshops sina Darwin Yu at Miguel Bagtas kung seryoso sila sa pag-aartista.

Pang-estudyante ang kuwento ng 1st Sem pero makaka-relate rin mga magulang na masyadong mahigpit sa mga anak, gustong sila palagi ang nasusunod. Mapapanood na ito sa Abril 26 nationwide handog ng CineFilipino, MediaQuest, PLDT Smart, Unitel at Kayan Productions. (REGGEE BONOAN)